449 total views
Nangangamba ang Archdiocese of Tuguegarao ng malawakang pagbaha sa kanilang mga coastal areas dahil sa patuloy na operasyon ng black sand mining.
Ayon kay Fr. Augustus Calubaquib, Social Action Director ng Archdiocese of Tuguegarao, patuloy ang pagmimina ng mga Mining Companies sa kanilang mga baybayin dahilan upang lalo itong masira at magdulot ng pagbaha kapag may bagyo, labis na pag-ulan at storm surge.
Aminado si Fr.Calubaquib na protektado pa rin ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang Black sand mining sa lalawigan ng Cagayan dahilan upang hindi ito mapigil maging ng lokal na Pamahalaan.
Dahil aniya sa patuloy na pagmimina ng magnetite sa mga coastal areas ay mas tumataas ang posibilidad ng malawak na pagbaha.
“Kasi pag-wala ng magnetite sa black sand, kinukuha na ng tubig ang lupa sa Coastal town’s, kaya apektado na talaga… Wala na magnetite wala ng nagpapabigat sa mga sand na andun, kaya kapag malaki ang tubig definetely mayroon flooding.” Pahayag ni Fr. Calubaquib sa panayam ng Radio Veritas.
Nanawagan din ang Archdiocese of Tuguegarao ng ibayong pangangalaga sa kalikasan partikular na sa Bulubundukin ng Sierra Madre.
Ayon kay Fr. Calubaquib, malaking tulong sa kanila ang Sierra Madre na siyang pumipigil sa malalaks na bagyo.
“Kapag wala na ang Sierra Madre na humaharang sa malalakas na ulan, hangin at bagyo delikado kami”dagdag pa ng Social Action director ng Tuguegarao.
Batay sa datos, taong 2015 ng pumasok ang gobyerno sa isang mineral production agreement kung saan pinahihintulan ang black sand mining sa may maihigit 53 libong ektarya ng baybayin sa Northern Cagayan.
Mariing tinutulan ng ilang mga residente at maging ng Simbahan ang nasabing kasunduan lalo na’t magdudulot ito ng peligro sa buhay ng mga residente at labis na pagkasira ng kalikasan.
Magugunitang sa pananalasa ng bagyong Pablo noong taong 2015, isa ang Cagayan sa mga nakaranas ng pinsala nito na umabot sa halos 10 bilyong piso sa kabuuan ng bansa.