192 total views
Naniniwala si Cubao Bishop Honesto Ongtioco na napapanahon ang pagpapalakas ng pagtutulungan at mas maigting na pagkalinga sa kapwa dahil na rin sa iba’t-ibang suliranin na kinakaharap ngayon ng bansa.
Kasabay ng isinagawang Caritas Suffragan meeting sa Diocese ng Cubao, sinabi ni Bishop Ongtioco na maraming tao ang nakakalimutan nang pahalagahan ang kanilang dignidad at mas iniisip na lamang ang kanilang mga sarili sa halip na makapaglingkod sa kapwa.
“Nalalabuan ang tao sa kanyang paglalakbay, halimbawa yung public service naging self service na lang, yung common good it becomes our good my family, kami-kami na lang even the word rest and recreation ano naisip natin? going to the beach, shopping and things that makes you happy wala naman masama pero the word rest and recreate ibig sabihin baguhin, panibagong lakas, panibagong pananaw [on how] to recreate the tainted image that we destroy.”pahayag ni Bishop Ongtioco.
Iginiit din ni Bishop Ongtioco na dapat alalahanin ng mga Kristiyano ang parabula ng Mabuting Samaritano kung saan naipamalas ang pag-aalala sa kapwa sa kabila ng mga hindi pagkakaunawaan at alitan.
Hinikayat ng Obispo ang mga naglilingkod sa Social Arm ng Simbahan Katolika gaya ng Caritas na ipagpatuloy ang kanilang misyon at ipalaganap ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng mga programa at inisyatibo para sa mga nangangailangan.
“Yun ang ginagawa natin, tayo ay humihinto nagmamalasakit hindi para sa ating pansariling kapakanan but because of the mission to spread, to immitate and to make love of God visible and concrete sa ngayon marami talagang pangangailangan.” “Yun pagmamahal, pagmamalasakit it’s a product of sacrifice yun po ang Caritas we go to the peripheries sabi nga ni Pope Francis.” Dagdag pa ni Bishop Ongtioco.
Kaugnay nito inihayag ni Caritas Manila Executive Director at Radio Veritas President Fr. Anton Pascual na magkakaroon pa ng second batch ng pagtulong ang kanilang tanggapan sa Marawi kung saan una na silang nagkaloob ng 500-libong pisong cash at 100-kaban ng bigas.