1,182 total views
Hindi sang-ayon ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa paghingi ng tulong ng pamahalaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF) at New People’s Army sa pagtugis sa Maute Group na sinasabing kaalyado ng international terrorist.
Ayon kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ito ay isang insulto sa kakayahan ng mga sundalo na higit na sa dalawang linggong nakikipaglaban sa mga bandido sa Marawi City.
Iginiit ng pari na wala na ring silbi ang pagsasailalim ng gobyerno sa 60-day martial law sa Mindanao region kung hindi rin nito maipapatupad ang katiwasayan ng rehiyon.
“But to have MILF and MNLF combatants to fight alongside our soldiers against the Maute group may prove to be demoralizing to government troops even from the tactical point of view. It would appear to be an implicit admission that left to their own, our soldiers don’t stand a chance to demolish these rebels. To be complicit with MILF and MNLF would also render inutile the declaration of Martial Law in the region which according to the government is needed in restoring peace and order in the region,” ayon kay Father Secillano sa Radio Veritas.
Nilinaw naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maaring makipaglaban ang MNLF laban sa Maute group kasama ang militar dahil walang nailatag na protocol at masusing pag-uusap kaugnay dito.
Sa isang pagtitipon, inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte na nakahanda si MNLF founding Chairman Nur Misuari at 2,000 tauhan na lumaban at tumulong sa gobyerno upang matapos na ang kaguluhan sa Marawi City.
Una na ring nag-alok ng reward money na P10 milyon ang Pangulo para mahuli ang sinasabing lider ng Abu Sayyaf leader at sinasabi ring may kaugnayan sa Islamic State na si Isnilon Hapilon at P5 milyon naman para sa Maute brothers na sina Abdullah at Omar.
“There’s absolutely nothing wrong in offering reward for the capture of these rebels. It may even be a necessity,” dagdag pa ni Fr. Secillano.
Sa pinakahuling ulat, may 176 libo katao ang lumikas sa Marawi City habang patuloy naman na tumataas ang bilang ng mga nasasawi sa labanan na umaabot na sa 188 katao kung saan 120 sa mga ito ay pawang miyembro ng bandido.
Patuloy naman ang panawagan din ni Pope Francis sa mga Muslim at binyagan na bumuo ng tulay tungo sa pagkakaisa, ang pagmamalakasakit sa kapwa at lumikha ng payapang lipunan.