219 total views
Homiliya Para sa Huwebes sa Ikawalong Linggo ng Karaniwang Panahon, 1 Hunyo 2023, Marko 10:46-52
Kakaiba ang kuwentong ito ng pagpapagaling na ginawa ni Hesus sa bulag na pulubi sa binasa nating ebanghelyo ngayon kay San Marko (Mk 10,46-52). Kakaiba sa naunang kuwento niya tungkol sa isa pang bulag na taga-Bethsaida na pinagaling din. Nasa chapter 8 naman iyon (Tingnan sa Mk 8, 22-26). Ano ang pagkakaiba dito ng kuwento ni Bartimeo doon sa kuwento ng pinagaling na bulag na taga Bethsaida?
Dito may pangalan ang bulag—Bartimeo; doon, wala.
Doon sa chapter 8, dinala ang bulag kay Hesus; dito sa chapter 10, si Bartimeo mismo ang nangulit at kusang lumapit kay Hesus nang ipatawag siya.
Doon sa chapter 8, dinala muna ni Hesus sa ilang na lugar ang bulag at pinagaling na mag-isa. Dito sa chapter 10 nasa gitna sila ng maraming tao.
Doon, dalawang beses hinaplos ang mga mata ng bulag at gumamit pa si Hesus ng laway para ipahid sa mga mata ng bulag. Dito, ni hindi hinawakan ni Hesus si Bartimeo. Walang physical contact, walang laway na ipinahid. Nagsalita lang.
Doon, hindi kaagad nakakita ang bulag. Inulit pa ni Hesus ang paghaplos. Pero dito nakakita kaagad si Bartimeo pagkasabi ni Hesus na magaling na siya.
Doon, pinauwi ni Hesus ang bulag matapos gumaling. Dito hinayaan niyang sumunod sa kanya si Bartimeo.
Doon, hindi na tinanong ang bulag kung ano ang gusto niya. Dito, tinanong muna siya, “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?”
Magkaibang-magkaiba, di ba? Pero sa pagitan ng dalawang kuwento, nakapagitna ang ulat ni San Marko tungkol sa paglalakbay niya kasama ang mga alagad mula sa Galilea patungong Judea, na mauuwi sa trahedya ng kanyang pagdurusa at kamatayan sa Jerusalem. Kumbaga sa painting, nilagay ni San Marko sa kuwadro ang litrato niya tungkol sa paglalakbay nilang iyon at pagtuturo ni Hesus sa mga alagad habang daan. At ang ginamit niyang kuwadro ay ang dalawang kuwento ng pagpapagaling: iyung taga-Bethsaida, at si Bartimeo.
Parehong kuwento ng pagpapagaling pero magkaibang magkaiba. At ang pinakamalaking pagkakaiba ay ang linyang sinabi ni Hesus kay Bartimeo: “Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.”
Pero sayang kung sa milagro lang tayo titingin, tungkol sa dalawang magkaibang kuwento tungkol sa bulag na pinagaling. Pag ganoon, para tayong tumingin sa painting at walang pinansin kundi ang frame o kwadro. Kailangan ding tingnan ang painting mismo (Mk 8:27-10:45) at ang kuwento nito tungkol sa pagsusumikap ni Hesus na ipaunawa sa mga alagad ang mangyayari sa Jerusalem at ang kaakibat ng pagsunod sa kanya. Saka mo lang maiintindihan kung bakit inipit niya ito sa kuwadro ng kuwento ng dalawang bulag—ang taga-Bethsaida na walang pangalan, at si Bartimeo.
Simple lang ang mensahe ni Marko: ang bulag na makakakita ay ginagawa niyang simbolo ng alagad. Sa una, ibang tao ang gagawa ng paraan para ilapit ka kay Hesus. Para bang sunud-sunuran ka lang. Pero sa dakong huli, mas mas lilinaw ang dating malabo, mas madaling makakita ang lumalapit na kusang-loob, nagpupursigi, sumasampalataya. Hindi sapat ang mabuksan lang ang mga mata at makita ang kapaligiran. Ang pagiging alagad ay nagsisimula pa lang kapag nabuksan na rin ang paningin ng diwa (pananampalataya) at nakilala kay Hesus ng Nazareth ang Kristo, ang Anak ng Diyos.