106,460 total views
Mga Kapanalig, “bakit ako susuko?”
Ito ang pinakahuling pahayag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kaugnay ng posibleng pag-aresto sa kanya ng International Police Organization (o Interpol) gaya ng nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. Ang pag-aresto ng Interpol sa dating pangulo ay pagpapatupad ng warrant of arrest ng International Criminal Court (o ICC). Giit ni Senador Bato, kumalas na tayo noong 2018 pa sa Rome Statute o ang kasunduang nagtatag sa ICC, kaya aniya, maituturing na iligal ang ginawang pag-aresto sa kanyang dating boss.
Taliwas ito sa una niyang pahayag. Noon, sinabi ni Senador Bato na kung may warrant of arrest, handa siyang sumuko. Aalagaan daw niya ang dating pangulo sa bilangguan. Ngayon, kinukwestyon na niya ang posibilidad ng pagsuko niya. Sa katunayan, sa halip na sumuko, maaari daw magtago na lang siya o manatili sa Senado. Nangako si Senate President Chiz Escudero na hindi hahayaan ng Senado na arestuhin ang sinumang miyembro nito. Sa madaling sabi, para kay Senador Bato, hindi dapat kilalanin ang mga ginagawa ng ICC at Interpol. Wala umano silang hurisdiksyon sa atin.
Ganito rin ang huling pahayag ni Senador Imee Marcos kaugnay ng isyu. Aniya, “ang hustisyang ipinapataw ng dayuhan ay hindi hustisya.” Dagdag pa ng kapatid ni Pangulong BBM, ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay pang-aalipin at pagkontrol. Pinabulaanan ito ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. May hurisdikyon daw ang ICC sa mga indibidwal, hindi sa mga bansa. Miyembro pa rin ng ICC ang Pilipinas nang mangyari ang mga pagpatay sa war on drugs. Tinatayang nasa 12,000 hanggang 30,000 ang mga napatay sa war on drugs ng administrasyong Duterte, ayon sa mga human rights groups.
Binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang social sins o panlipunang kasalanan ay bunga ng mga indibidwal o personal na kasalanan. Ayon sa Catholic social teaching na Reconciliatio et Paenitentia, ang social sins ay bunga ng pagkakaipon (o accumulation) ng maraming personal na kasalanan. Resulta ang social sins ng pagsuporta sa mga personal na kasalanan, kasama ang pananahimik at pagiging patay-malisya sa mga ito. Ibig sabihin, nagiging istruktural ang kasalanan (o structures of sin) kapag hinahayaan nating lumawak at lumaganap ito. Ginagawa nitong “normal” ang mga kasalanan at nagiging batayan ng ating pakikisalamuha sa isa’t isa.
Sa konteksto ng war on drugs, alam nating kasalanan ang pumatay, ayon sa Exodo 20:13. Gayunpaman, sa paulit-ulit na pagsasabi ni dating Pangulong Duterte na tama lang patayin ang mga adik at pushers, tila naging katanggap-tanggap na ito sa marami sa atin. Suportado ito ni Senador Bato na noon ay hepe ng Philippine National Police, ang pangunahing tagapagpatupad ng war on drugs. Ibig sabihin, kabahagi si Senador Bato sa pagpapalakas ng makasalanang istruktura na pumatay sa libu-libong kababayan natin.
Kaakibat ng pagsugpo sa social sins ay ang pakikipagkaisa o solidarity. Ang pakikipagkaisa ay matatag at mapagpunyaging hangarin na makamit ang kabutihang panlahat o common good. Dahil dito, kailangang gawin nating structures of solidarity ang structures of sins. Ang magiging pagdinig ng ICC sa crimes against humanity noong administrasyong Duterte ay isang halimbawa. Sa papamagitan nito, nakikipagkaisa ang international community sa pagdurusa ng mga pamilya ng nasawi sa war on drugs. Kaya sa halip na kuwestyunin ito, mas mainam ang pakikipagtulungan sa ICC upang mapanagot ang maysala o malinis ang pangalan ng mga sangkot, kung sa paniwala ni Senador Bato ay inosente siya at ang iba pa.
Mga Kapanalig, sama-sama nating labanan ang social sins. Magsalita tayo laban sa pagiging normal ng pagpatay. Manawagan tayo para sa hustisya. Makibahagi tayo sa pagbabago ng mga makasalanang istruktura sa ating bayan.
Sumainyo ang katotohanan.