246 total views
Kailangan ngayon ng lawa ng Laguna ng CPR o Conservation, Protection and Rehabilitation.
Isinalarawan ni Msgr. Jerry Bitoon, head ng Ministry on Ecology at Vicar General ng diocese of San Pablo ang Laguna lake na naghihingalo ito bunsod ng maruming tubig at ang mga malalaking fish cages at fish pens na nakapalibot dito.
Kaugnay nito, nagpapasalamat si Msgr. Bitoon sa administrasyong Duterte at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa masisimulan ng malinis ang lawa matapos ipag-utos ng kalihim ng ahensiya ang pagtatanggal sa malalaking fish cages na sinasabing pag-aari ng malalaking personalindad gaya ng mga heneral ng pulisya.
Ayon sa pari, may pagkakataon na para kumita ang maliliit na mangingisda at maalagaan ang lawa.
“Natutuwa kami tulad ng pangulo binanggit ito sa kanyang SONA, first time ito, kasi di namin naririnig ang pagbibigay atensyon sa lawa, and with DENR secretary Gina Lopez, bilang advocate ng kalikasan parang napapanahon na andito ang right people for the right time, kaya sinasamantala din namin na maiparating sa kanila ang mga isyu na dapat i-address sa lawa, natutuwa kami there is so much hope now, para sa ating maliliit na mangingisda,” pahayag ni Msgr. Bitoon sa panayam ng programang Barangay Simbayanan sa Radyo Veritas.
Ayon kay Msgr. Bitoon, 21 ilog ang nakapaligid sa lawa ng Laguna na kinakailangang malinis at sangkot dito ang may 10 hanggang 12 milyong indbidwal.
Ang lawa ng Laguna ay may lawak na 911 kilometro.
Sa Laudato Si ni Pope Francis, isa sa dapat pangalagaan ang mga pinagkukunang yaman ng mamamayan gaya ng katubigan kaya’t kinokondena nito ang pagtatapon ng polusyon gaya ng basura, kemikal at iba pang lason na pumapatay sa mga isda at iba pang yaman nito.