694 total views
Hindi kumbinsido si Lanao Institute for Peace and Development Spokeperson Zuwaib Decampong na kailangan pang pahabain ang pagpapatupad ng Martial law sa sa Mindanao.
Naniniwala si Decampong na magdudulot ng takot at maling “perception” sa kalagayan ng kapayapaan sa Mindanao ang Martial Law extension.
Ayon kay Decampong, hindi mai-aalis sa mga residente na bumalik sa kanilang alaala ang masamang dulot ng mahabang pagpapatupad ng martial law sa nakalipas na panahon lalo na kung ipatutupad ito sa Mindanao higit sa nakatakdang 60 araw.
Aminado naman ang tagapagsalita ng L-I-P-D na may mabuting dulot ang pagpapatupad ng batas militar upang masugpo ang paglaganap ng krimen at terorismo.
“Kung ako po yung tatanungin, in my own opinion, ako naman ay law abiding person, pero kung ma-extend pa ang martial yung perception ng tao ay iba yung epekto sa martial law, parang nasanayan nila yung martial law before ay nagdulot ng iba’t ibang resulta yung napag-iwanan ng Marcos sa Pilipinas.”Pahayag ni Decampong sa panayam ng Radio Veritas.
Magugunitang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng Martial law sa Mindanao matapos maganap ang kaguluhan sa Marawi City.
Kaugnay nito, dismayado si Decampong sa ipinatupad na ID system sa Tarlac para sa mga Muslim na isang diskriminasyon.
Aniya, hindi tama na pawang mga muslim lamang ang atasan na magkaroon ng ID system sapagkat masakit ito sa kanilang kalooban.
Magugunitang dalawang Muslim group sa Tarlac ang nagpatupad ng ID System sa kanilang mga kapatid sa pananamplataya upang maiwasan ang banta ng terorismo.
Batay sa datos, halos 11 milyon ng populasyon sa Pilipinas ay mga Muslim.
Una ng inihayag ng Simbahang katolika na tutol ito sa diksriminasyon sa mga Muslim sa bansa at dapat panatilihin at pagkakaisa ano man ang pananampalataya.