318 total views
Ang laro ay mahalaga sa bata. Sa katunayan, ito ay isa sa kanilang mga batayang karapatan.
Sa pamamagitan ng laro, nalilinang ng bata ang kanyang pag-iiisap, ang kakayahang makisama sa iba, nahahasa ang pagsasalita at pakikinig, at natututo silang dumiskarte at maging malikhain. Ang laro kapanalig, ay hindi lamang libangan o pampalipas oras ng mga bata. Ito ay makapangyarihang instrumento na tumutulong sa pagbubuo ng pagkatao ng isang indibidwal.
Dati rati, kapanalig, ang laro ay bahagi ng ating simpleng buhay. Nakakalaro pa tayo noon sa labas na walang takot sa polusyon o karahasan. Ngayon, mas doble ingat na ang mga pamilya. Hindi na kasing rami gaya ng dati ang mga batang naglalaro sa labas ng kanilang bahay ngayon.
Ang sitwasyong ito ay hindi naman dahil sa direktang desisyon ng mga pamilya. Ito ay dahil din sa ilang salik na eksternal na sa pamilya. Isang dahilan nito ay ang kawalan ng espasyo para sa laro ng mga bata.
Maraming mga munisipyo at bayan sa ating bansa kapanalig, ang walang espasyo para sa laruan at libangan ng mga bata. Wala silang playground na maaring puntahan at walang mga activities o gawain na malalahukan upang sila ay makapaglaro. Ayon sa isang pag-aaral ng Play Pilipinas, isang nongovernment organization, 16% lamang ng mga kabataan sa public schools ang may access sa mga playgrounds habang 4% lamang ng mga bata sa urban communities ang may access sa mga palaruan.
Ang Ecowaste Coalition naman, noon 2014, ay nakita na may mga playgrounds sa ating mga syudad na may mataas na lead content, na nakakasama naman sa mga bata. Sa ilang mga pagkakataon, umaabot sa 215,000 parts per million (ppm) ang lead content ng mga aparato sa mga palaruan. Ang threshold limit lamang, kapanalig, ay nasa 90 ppm.
Hindi lamang ang espasyo o playgrounds ang banta sa karapatang maglaro ng bata, ang kahirapan din ay isa sa mga matitinding hadlang sa paglalaro ng bata. Ninanakaw nito ang pagkakataon ng bata na malasap ang kanilang kabataan. Dahil sa kahirapan, maraming mga bata ang nasa lansagan hindi para maglaro kundi para mamalimos at magtrabaho. Sa ngayon, ayon sa ILO, tinatayang mahigit pa sa tatlong milyong bata Pilipino ang sadlak sa mapanganib na uri ng child labor.
Kapanalig, ang karapatan ng bata na maglaro ay dapat nating itaguyod. Ang paglalaro ay importanteng bahagi ng kabataan. Kapag ito ay iyong tinanggal, kulang ang ating pagkatao. Ayon nga sa Rerum Novarum, ang karapatan ay dapat irespeto ng lahat, at tungkulin din ng pamahalaan ang protektahan ang karapatan ng lahat, bata man o matanda. Ang Gaudium et Spes ay nagsasabi rin na ang dignidad ng ating pagkatao ay nangangahalugan na ang bawat indibidwal ay may access sa mga bagay na magbibigay sa kanya ng pagkakataon na mamumuhay ng ganap at disente. Kapanalig, ang bata ay nakadepende sa atin; sa atin nakasalalay ang kanilang buhay at ligaya. Ang karapatan ng mga bata na maging bata ay atin sanang kilalaning lubusan.