7,342 total views
Hinikayat ng social at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na patuloy na magtulungan upang maihatid ang pag-asa sa kapwa kasabay ng pagdiriwang ng simbahan sa 2025 Jubilee Year.
Sa mensahe ni Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, na ngayong Taon ng Hubileyo na may temang “Pilgrims of Hope”, inaanyayahan ang bawat isa na palakasin ang pananampalataya, ipalaganap ang mensahe ng pag-asa, at muling pagtibayin ang pangako sa paglilingkod, habag, at katarungan.
“We are reminded that hope is not passive; it calls us to act boldly and faithfully. This year, let us work to ensure that Caritas Philippines remains steadfast in serving the most marginalized and vulnerable,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Binigyang-diin ng obispo ang misyon ng simbahang pangalagaan ang kalikasan bilang bahagi ng panawagan ni Kristo sa lahat.
Pagbabahagi ni Bishop Bagaforo na bilang mga kamanlalakbay ng pag-asa, ang pagsisimula ng Bagong Taon at Taon ng Hubileyo ay panibagong pagkakataon din upang makapaghatid ng inspirasyon para sa pagbabago sa bansa, kabilang ang pagsusulong ng makabuluhan at makatarungang halalan.
“Our collective journey must reflect the Gospel values of truth, love, and integrity, ensuring a future built on the pillars of democracy and human dignity,” saad ni Bishop Bagaforo.
Nangako ang Caritas Philippines na sa diwa ng Hubileyo ay isusulong ang pangkabuuang pagtugon ng simbahan sa pagpapaunlad ng pamayanan at pagsusulong ng makakalikasan at pangkalahatang kaunlaran.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na ang pagtutulungan ng Simbahan, pamahalaan, at iba pang mga sektor ng lipunan ay makatutulong upang matiyak na walang maisasantabi sa lipunan.
“Let us walk together as pilgrims of hope, carrying Christ’s light into the world. May this New Year be a time of renewal, resilience, and unwavering faith,” paanyaya ni Bishop Bagaforo.
December 24, 2024 nang binuksan ni Pope Francis ang Jubilee Year sa Vatican sa pamamagitan ng pagbubukas sa Holy Door ng St. Peter’s Square.