36,379 total views
“Gumawa ang Panginoong Diyos ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang…Inilagay ng Panginoong Diyos ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” (Gen 2:8.15)
Mahal kong bayan ng Diyos sa Bikaryato ng Taytay,
Naranasan po natin sa loob ng tatlong buwan ang matinding init. Halos hindi tayo makapagtrabaho, sinuspende ang pag-aaral ng mga bata, natuyo ang marami nating mga tanim, pati ang mga balon at mga batis. Mainit na rin pati ang dagat, kaya namamatay pati ang mga tanim nating seaweeds. Ang nakakatakot ay may mga dalubhasang nagsasabi na ito ay maaaring mangyari sa atin taon-taon, at lalo pang titindi. Talagang dumadating na ang Global Warming, at ito ay nangyayari na sa ating panahon! Huwag lang nating tanggapin ito. May kagagawan ang tao sa pagdating ng Global Warming. Inabuso natin ang ating kalikasan. Sa halip na ito ay pangalagaan bilang mabubuting katiwala ng Diyos, sinira natin ito at pinagkakitaan pa. Pati na tayo sa simbahan ay may kasalanan din dito. Nagpalusot tayo ng mga kahoy na bawal putulin kakontsaba ang mga iligalista sa dahilang pinagagawa natin ang simbahan, ang kumbento, o anumang proyekto natin. Pagsisihan natin ito at mangako tayo na hindi na natin ito gagawin uli. Kung gagamit man tayo ng kahoy, huwag tayong kumuha ng mga kahoy na pinagbabawal, tulad ng ipil, narra, atb.
Pero hindi lang sapat na hindi na natin pagsasamantalahan ang ating mga punong kahoy. Dito sa ating Bikaryato sa Northern Palawan pagsikapan nating pagyamanin at pangalagaan ang ating mga punong kahoy. Sugpuin natin ang mga nag-iiligal. Ipagtanggol natin ang ating kagubatan. Huwag natin idadahilan na ito ay hanap buhay lamang kasi nararanasan na natin na tayong lahat ay nagdurusa ng tag-init at tag-tuyo dahil sa pagpuputol ng mga mahahalagang puno sa ating kagubatan. Maaari namang maghanap sa paraan na hindi nakakapinsala sa iba at sa kalikasan. Tandaan po natin na kasalanan ang pag-iiligal. Hindi lang ito kasalanan kasi labag sa batas ng tao. Kasalanan ito dahil sa pagsisira ng magagandang nilikha ng Diyos, pagkawala ng samot-saring buhay (bio diversity), at pagpapahirap din sa kapwa tao, lalo na sa mga susunod na generasyon. Sinasaktan natin ang kagubatan, sinasaktan natin ang Diyos na Maylikha, at sinasaktan at pinahihirapan natin ang ating kapwa.
Upang mapangalagaan ang kagubatan, karagatan at kabundukan natin, magtanim tayo ng mga puno. Ang bawat pamilya ay magtanim at pangalagaan ang mga itinatanim. Magtanim ng mga bakaw, magtanim ng mga puno na namumunga, magtanim ng mga katutubong puno. Ito ay bahagi ng ating pagiging mabubuting katiwala. Matagal tumubo at lumaki ang mga puno, pero kung magtatanim na tayo ngayon na nagsisimula nang umulan, malaki ang pagkakataon na sila’y mabuhay at lumaki nang sa gayo’y talagang nagtatanim na tayo para sa isang magandang kinabukasan. Malaki ang nagagawa ng mga puno na pawiin ang pagka-uhaw ng lupa at mga tanim at magdala ng ulan sa atin.
Hinihikayat ko ang mga Parokya, mga mission stations, mga chapels at mga kriska natin na magkaroon ng programa ng pagtatanim ng mga puno. Tayo mismo, bilang simbahan ay hindi na magpapalusot at gumamit na mga iligal na mga kahoy. Bantayan natin ang ating mga kagubatan at makiisa sa mga opisyales ng pamahalaan na may puso na pangalagaan ang ating mga bakawan at kagubatan. Magkaroon din ng programa sa pagtatanim at pagpapalaki ng mga puno. Magkaroon tayo ng nursery ng mga puno sa mga Parokya at chapels upang may maitanim tayo. Kahit na maliit lamang ang Northern Palawan may maiaambag din tayo upang labanan ang pag-iinit ng panahon. Ito ay isang tanda din ng ating pag-ibig sa Diyos na Manlilikha.
Ang inyong kapwa katiwala ng kalikasan,
Obispo Broderick Pabillo
Obispo ng Bikaryato ng Taytay
Ika- 26 ng Mayo, 2024