10,503 total views
Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-30 ng Oktubre 2024
Heto na naman ang panahon ng maraming pagtatanong at pagpapaliwanag sa ating mga pamahiin ukol sa paglalamay sa mga patay. Matagal ko nang binalak isulat mga ito nang mamatay aking ama noong taong 2000.
Biglaan ang kanyang pagpanaw noon. Katunayan, madaling araw ng kaarawan ni Mommy, ika-17 ng Hunyo 2000. Dalawang taon pa lamang akong pari. Nasunod ang aming mga kamag-anak na sa aming tahanan paglamayan si Daddy. At noon pinuna ng ilang matatanda ang aking kawalan ng kaalaman sa maraming pamahiin at kaugalian tuwing mayroong paglalamay sa patay.
Napuna noon ng nanay ng isang kaibigan na naghahatid ako ng mga panauhin matapos makiramay sa amin. Wika niya sa akin, “alam ko” aniya, “marami kayong alam at napag-aralan, Father; hiling ko lang po sana sa inyo na igalang pamahiin naming matatanda ukol sa lamay ng patay… masama ang naghahatid ng mga nakikiramay.”
Humingi ako ng paumanhin at iyon ang una kong aral sa mga pamahiin lalo sa probinsiya – pag-galang at respeto. Huwag nating pagtawanan kanilang pamahiin at kaugalian bagkus pagnilayan, pag-aralan at tuntunin pinagmulan ng mga iyon. Higit kong naunawaan ang mga ito sa aking pagtanda lalo nang pumanaw si Mommy nitong nakaraang Mayo. Ito po ay aking sariling pagsusuri, opinyon na maaring tama o mali. Kayo na ang tumimbang kung tatanggapin at paniniwalaan.
Bago po ang lahat, ibig kong bigyang pansin ang salitang ginagamit na “bawal” at “masama” tulad ng “bawal ang ganito, masama ang ganire”. Iisa lang kahulugan nito sa ating mga Pinoy. Dito ating makikita ang positibong katangian natin na magkasing-kahulugan ang bawal at masama kasi “ano mang bawal, tiyak masama”! Kaya, heto na po ang ilang mga pamahiin at aking paliwanag na marahil na dahilan o pinagmulan:
Bawal o masama magpasalamat sa mga nakikiramay ang namatayan. Ito palagi sinasabi sa akin ng mga nakiramay sa amin noong mamatay aming mga magulang. Hindi ko talaga maintindihan.
Tanging sumasagi sa aking isipan ang kasabihan na ang “paglalamay lamang ang hindi pinangungumbida.” Alalaong-baga, sa amin sa probinsiya, masusukat ang husay at kabutihan ng sino man sa kanyang pagpanaw: kung maraming makipaglamay at makiramay, siya ay mabuti; kung kakaunti, marahil hindi siya ganoong kabuti. Kaya walang dapat ipagpasalamat sa mga nakiramay dahil binabalik lamang nila kabutihan ng namatay.
Ngunit nang pumanaw si Mommy noong Mayo, noon ko higit naintindihan ito di lamang mas matanda na ako kungdi dahil marami na akong pinakiramayan bilang pari. Ayaw ng mga panauhin sila ay pasalamatan dahil ang kanilang pakikiramay ay pagbabalik ng kabutihang ginawa di lamang ng pumanaw kungdi pati ng mga naulila tulad ko na pari.
Palaging sinasabi ng mga nakikiramay maging ng mga paring dumalaw sa amin kung paano ako noong sila’y nagdadalamhati ay akin ding sinamahan sa pagdiriwang ng Banal na Misa o maski pagbabasbas lamang. Kinuwento ng marami sa kanila kung paanong di nila malimutan mga iyon, pati na rin nang dalawin ko at dasalan kanilang mahal sa buhay habang may karamdaman.
Kay tamis maalala na di nila kinalimutan pakikiramay ko noon. At wala nang higit pang tatamis itong aking naranasan pagkamatay ni Mommy, sumunod kanyang nakatatandang kapatid. Nalaman ng ilan kong dating parokyano at kusa din silang nagtungo sa lamay ng aking Tita. Nagulat mga pinsan ko nang sila ay magpakilala at ang sabi daw sa kanila, “naku, si Father pinuntahan lahat ng aming mga patay kaya kami narito ngayon.”
Hindi naman sa sinusuklian ating kabutihan kungdi patunay ito na hindi nalilimutan ng mga tao ating pakikiramay sa pagpanaw ng mahal nila sa buhay; dala-dala nila ito palagi at kinukuwento sa mga bata kung paanong dumamay mga tao sa kanilang pighati. Sakaling mayroong kaaway o kaalitan ang pumanaw, doon din nakikilala kabutihan ng sino man. Marami akong napansin mga kamag-anakan lumalambot ang kalooban kapag nagpunta at nakiramay nakaalitan ng kanilang pumanaw subalit, kung magmatigas yaong kaaway at ni hindi man lang sumilip sa lamay lalo na kung kababaryo, itaga mo sa bato, sasabihin ng mga kaanak sadyang masama iyan.
Kaya, bukod sa hindi sinasabi ang “salamat” sa lamayan, laging pakatandaan sa ating mga Filipino, ang pakikiramay ang isa sa mga pinakamagandang paraan ng pakikipag-kapwa tao dahil hanggang kamatayan, laan tayo makipag-ugnayan.
Bawal o masama maghatid ng mga nakiramay. Nakakatawa po ito nguni’t tunay na tunay lalo sa aking karanasan. Hindi na dapat maghatid sa mga nakiramay ang namatayan dahil maraming maraming iba pang dumarating na panauhin at baka ikaw lang ang nakakakilala sa kanila.
Alam naman ninyo tayong mga Pinoy: sasakay na lang o nakasakay na nga sa kotse, hindi pa matapos ang mga kuwentuhan natin! Kaya kung maraming nakikiramay at isa isang ihahatid mga nagpapaalam, wala nang makapag-eestima sa mga dumarating na iba pa. Praktikal ang pamahiing ito.
Bawal o masama magbaon ng pagkain at inumin mula sa lamay. Nakakatawa din ito. Ngunit gaya ng bawal na paghahatid sa mga nakikiramay, praktikal ang pamahiing bawal mag-uwi ng pagkain at inumin mula sa lamay.
Nang mamatay si Mommy noong Mayo, dalawamput-anim na taon na akong pari, matagal na ring nagsipagtrabaho mga kapatid ko at marami na ring kaklase at kaibigan mga anak nila. Sa dami ng aming mga nakilala, lahat dumarating para makiramay. Bagamat marami ang mayroong bigay ding pagkain at inumin sa kabila ng saganang handa naming pagkain na pina-caterer pa, may isang gabing halos kinapos aming handa kaya nagpabili pa ng lechon manok kapatid ko!
Kung bawat bisita ay mag-uuwi nga naman ng mamon o magsha-Sharon Cuneta ng lumpiang shanghai at iba pang ulam, mauubos ang pagkain at baka walang maihain sa mga darating iba pa lalo na kung hating gabi na. At iyan ang tunay na masama sa paguuwi ng pagkain at inumin mula sa patay: nauubusan mga maglalamay!
Dagdag kuwento: ayaw na ayaw iyan ng aking kasambahay noon na si “Manang” sa aming kumbento. Hindi niya kinakain mga “take home” sa akin at madalas, pinamimigay pa niya sa iba. Masama daw baka ako magkasakit. Pero, kapag kakaiba at masarap mga pagkaing uwi ko mula sa lamayan lalo ng mga rich at showbiz friends ko, okey lang sa kanyang kainin mga iyon! Ano nga ba masama? Wala maliban sa ating nabanggit na dahilan.
Bawal o masama maligo kapag mayroong patay. Siyempre! Puyat kasi tayo sa paglalamay kaya dapat magpahinga muna saka maligo. Iyon lang iyon.
Noong Hunyo, isang dating kasamahan kong DJ sa GMA7 namatay ang ina. Matapos akong magmisa at nang magpapaalam na, tinanong niya ako ng seryoso: talaga daw bang hindi pa siya puwedeng maligo?
Nakupo! Kaya pala kako tumutubo na yang balbas mo at nanglalagkit ka na! At ito ang dahilan sinabi ko sa kanya ukol sa pamahiing iyon. Maligo ka na wika ko at ang baho mo na!
Bawal o masama ang umuwi kaagad ng bahay galing sa patay. Ito ang popular na kaugaliang “pagpag” bago umuwi kasi kailangan daw iligaw iyong patay na baka sumunod. Ang totoo ay kailan lang naman ito naging laganap at napa-uso. Kawawang mga convenience store, naging tambayan ng mga nagpapagpag. At kaluluwa!
Hindi po ito totoo. Una, walang gumagalang kaluluwa. Kapag namatay ang isang tao, kaagad-agad hinahatulan kanyang kaluluwa kung ito ay pupunta ng langit o purgatoryo o impierno (ibang paksa ito na mainam pag-usapan sa ibang pagkakataon).
Heto naunawaan ko lamang nitong kamakailan habang dumarami ang namamatay kong mga kamag-anak at mga kaibigan. Dahil sa lamay na lang kami nagkikita-kita, itinutuloy namin ang kuwentuhan sa labas kasi naman, nakakahiyang ubusin pagkain at inumin sa lamayan.
At saka para mas masarap din ang kuwentuhan. Iyon sa aking pananaw ang tunay na dahilan kaya nauso ang pagpag. Sabi ng iba, iyon ay galing sa mga kapatid nating Chino na naniniwalang kailangang ipagpag mga negative vibes mula sa mga lamayan ng patay.
At kung tutuusin, ano nga ba ang mga negative vibes na ito? Balikan ang aral ng COVID-19 pandemic: mga mikrobyo at virus na maaring pagmulan ng pagkakasakit. Sa halip na magpagpag kayo ng kakain pa muli sa labas, mag-disinfect palagi pagdating ng bahay pagkagaling sa lamayan nang mapuksa mga kumakapit na mikrobyo.
Bawal o masamang maglibing tuwing araw ng Lunes. Ipagpaumanhin po ninyo mga naunang pari noong araw. Sila po nagpalaganap nitong “pamahiing” ito. Hindi naman talaga masama o bawa kasi kadalasan, Lunes ang araw ng libing ng mga yumaong pari pati kamag-anak namin.
Tanging dahilan ng pamahiing iyan ay pagod ang mga pari ng araw ng Linggo sa pagmimisa kaya, Lunes ang kanilang day-off. At pinakamabisang paraan upang matandaan ito ng mga tao, sabihing “masama” ang paglilibing ng Lunes na siyang unang araw ng trabaho.
Kaya po ako mula noon pa, ang day off ko ay Huwebes kasi Lunes ang pagpupulong naming mga pari!
Kayo ano pa alam ninyong pamahiin sa mga patay at lamay?
Hanapin ang praktikal na dahilan at higit sa lahat, igalang pa rin natin paniniwala ng ating mga kababayan kesa pagtawanan.
Tandaan, sa kamatayan palagi nagkakasukatan ng ating pagkakaibigan at pagsasamahan.
Ang pakikiramay ay tanda ng pakikibahagi sa pagluluksa at pighati ng namatayan.
At iyan ang pinakamainam na dahilan sa likod nitong mga pamahiin natin tuwing mayroong lamay at patay.