Veritas PH

The WORD. The TRUTH.

Mabubura ba ang EDSA 1986?

SHARE THE TRUTH

 6,107 total views

Lawiswis ng Salita ni P. Nicanor F. Lalog II, Ika-27 ng Pebrero 2025
Larawan kuha ni G. Lorenzo Atienza, detalye ng dulong kaliwa na bahagi ng stained glass sa National Shrine ng Fatima, Valenzuela City na nagsasaad ng EDSA People Power, 25 Pebrero 2025.

Hinding hindi mabubura ninuman ang makasaysayang People Power Revolution ng Pebrero 1986. Ito ay kung hindi natin malilimutan at higit sa lahat kung ating lilinangin mga aral ng kauna-unahang mapayapang pag-aaklas sa buong mundo.

Katulad ng kalsadang EDSA na sagisag ngayon ng nabubulok nating bayan, malaki pa rin ang pag-asa na maaayos at mapatatatag ang diwa ng People Power 1986.

Kaya sa diwa nito, tama lamang at ipinag-adya na rin siguro ng Diyos na mayroong pasok ang mga tanggapan at paaralan tuwing Pebrero 25 mula noong isang taon sa ilalim ng Administrasyong BBM.

Bagaman ako ay nalungkot na hindi ito ginawang piyesta upisyal ng Pangulo, higit kong naunawaan kahapon ang magandang pagkakataon ibinigay pa nga ni BBM sa atin para sa EDSA 1986.

Nasobrahan tayo ng mga pagdiriwang noong sariwa pa ang EDSA 1986 hanggang sa naging palasak na lamang ito dahil sa pangingibabaw ng mga kasiyahan at mga kaartehan ng mga sumunod na taon. Sa isang banda, ang sarap ng EDSA Anniversary noong nakaupo pa si Tita Cory – yugyugan magdamag doon sa kanto ng EDSA at Ortigas.

At pagkatapos, lawa na. Logtu ng konti, sokpadoodle na sa otra kinabukasan.

Ano nangyari? Wala.

At ganun na lang ang EDSA Anniversaries nang mga sumunod na taon na mismo tayong mga beterano ay napagod na rin sa kawalan ng saysay ng mga programa at higit sa lahat, ng pagtataksil ng maraming pinuno noon na ipinaglaban, ipinagtanggol natin noon na iyon pala ay katulad lang din ng mga pinatalsik noong 1986.

Larawan kuha ni Pete Reyes kina Sr. Porfiria “Pingping” Ocariza (+) at Sr. Teresita Burias nananalangin upang pigilan mga kawal sasalakay sana noon sa mga rebelde sa Kampo Crame noong People Power 1986.

Pebrero 21 ng gabi ay nasa Aristocrat Restaurant kami sa kanto ng Quezon Ave. at EDSA para sa final deliberation ng mga hurado sa kauna-unahang USTetika Literary Contest ng Varsitarian ng UST.

Proyekto ng co-staffer namin at kaibigan na si G. Vim Nadera ang USTetika na mula sa salitang “aesthetic”. Bantog na guro at makata ngayon si Vim. Tuwang-tuwa ako noon na sinama niya ako hindi lamang para kumain at gumimik pagkatapos kungdi makadaupang-palad mga bigating pangalan sa panitikan tulad ng mga makata na sina Cirilo Bautista, Bienvenido Lumbrera, Alfredo Navarro Salanga na tunay ngang heavyweight, ang propesora naming si Ophelia Dimalanta na pangunahing babaeng-makata sa wikang Ingles at marami pang iba.

Nang malapit nang matapos ang pulong, binulungan kami ni Gng. Jesselyn Dela Cruz na umuwi na raw kami kaagad sabi ni Sir Felix Bautista na aming Publications Director sa Varsitarian at tagapagsalita noon ni Cardinal Sin. Malabo ang mga kuwento maliban sa kumalas na raw noon sina Enrile at Ramos kay Marcos. Yun lang. Baka raw magkagulo.

Siyempre, mga kabataang typical, wala kaming balak sumunod sa utos sa amin hanggang sa magulat kami nang aming baybayin ang Timog at Morato naghahanap ng club na sarado halos lahat habang dagsa mga sasakyan sa mga gasolinahan.

Hindi kami nabagabag kasi full tank ang kotse ng tatay ko noon kaya uminom pa rin kami nina Vim kina Dwight sa Sampaloc at saka umuwi. Kinabukasan pagkagising ko, araw ng Linggo, February 22, di ko malaman kung ako ay lasing sa mga balitang pinag-uusapan at napapakinggan sa radyo. Birthday noon ng kapatid kong si Meg na second year college sa UST gaya ko na graduating na. Kinabukasan ng Lunes, sumama kami ni Meg sa mga kababaryo namin sakay ngnisang trak papuntang EDSA para sumama sa People Power.

Mula sa wikipedia.org.

Dumating kami ni Meg at mga kasama sa EDSA bandang hapon. Parang sasabog sa tuwa aking dibdib na tila ako ay nanlalamig, naiiyak sa tuwa sa aking nakita: sarado EDSA-Cubao ilalim at puno ng mga tao hanggang sa abot-tanaw!

Ang saya-saya!

Walang bad trip noon! Peace man ang atmosphere. Dala namin ay mga pakwan para sa mga kawal. Doon kami pumuwesto sa gate ng Crame sa Santolan na Boni Serrano ngayon dahil kulang daw ang bantay doon.

Kinagabihan, dumating ang balita na baka raw kami salakayin ng mga tangke mula Malakanyang via Sta. Mesa direcho pa-Santolan. Tinipon kami ng mga law students ng UP at kinausap, binigyan ng numero sa telepono na maari naming tawagan kapag daw nagkadamputan.

Hala! Hinila ko sa tabi ko si Meg. Wag ka kako lalayo sa akin at naisip ko agad Daddy ko sa bahay. Mas takot ako sa kanyang galit kesa sa mga tangke ni Macoy!

Larawan kuha ni G. Boy Cabrido, pagkakamayan ng mga kawal at mga madre at pari sa EDSA noong People Power Revolution ng 1986.

Sa pagkaka-alala ko, walang natakot sa amin. Walang umatras habang pasa pasa kami ng bolpen at papel para nga sa mga numero na tatawagang mga abogado kapag kami nakulong.

Noon ko narinig biglang nagsalita at lumapit sa isang law student kapitbahay namin na suki ng mommy ko sa tindahan, si Mr. Tiongson.

Hindi ko matandaan pangalan niya pero kaibigan siya ng lola ko. Maginoong maginoo. Respetado sa aming barangay. Negosyante na gumagawa ng mga plastic art sa mga jeep na pampasahero noon. Palagi niya ako sinasama at ng mga anak niya sa pagbibisikleta sa mga looban ng Bocaue, Sta. Maria, at Marilao sa Bulacan noon.

Makisig at matipuno si Mr. Tiongson. Six footer siguro. Naka-salamin medyo kalbo ng konti pero balbas sarado. At malaki ang boses. Sabi ng lola ko, dati raw Huk na naging NPA si Mr. Tiongson pero tumiwalag na.

Sa gitna ng dilim ng gabi sa isang kalye sa Santolan, ito ang sinabi ni Mr. Tiongson sa mga taga-UP Law na tumayong mga namumuno sa amin sa kalyeng iyon: “ako na ang lulugar sa unahan. Laban namin ito na hindi na dapat umabot pa sa ganito kung kami ay nanindigan noon.”

Humanga ako sa mama lalo noon. Pero hindi ko naunawaan sinabi niya hanggang kahapon na lamang nang pumasok ako bilang chaplain dito sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela.

Larawan kuha ni G. Lorenzo Atienza, ang Canonically Crowned National Pilgrim Image of Fatima na tinanghal nina Ramos noon sa EDSA 1986 na nasa pangangalaga ngayon ng National Shrine of Fatima sa Valenzuela, 25 Pebrero 2025.

Bago ako magmisa sa aming kapilya kahapon habang nagdarasal, parang kislap ng liwanag na dumatal sa aking kamalayan mga sinabi ni Mr. Tiongson noong 1986 sa Santolan: hindi pa tapos ang laban ng EDSA 1986.

Laban natin ito. Kumupas man ito, bumaligtad at nagtaksil ang ilan, laban nating lahat ito na dapat ipagpatuloy, linangin at palalimin. Higit sa lahat, dalisayin sa panalangin dahil kulang ang EDSA 1986 kung wala sina Jesu-Kristo at kanyang Mahal na Ina, ang Birhen ng Fatima. Mula sa karanasan ni Mr. Tiongson na kapitbahay namin noon, hindi ko papayagan manghinayang ako sa huli na tinalikuran ko ang EDSA 1986 kaya balang araw ay malagay sa peligro mga susunod na saling-lahi.

Kahapon din ang unang guning-taon ng pagkaka-korona sa National Pilgrim Image ng Fatima na siyang imahen na tinanghal nina Ramos noong People Power sa EDSA ng 1986! Narito sa National Shrine of Fatima sa Valenzuela ang naturang imahen mula pa noong ika-17 ng Oktubre 1999, sa loob ng isang munting kapilya na maaring puntahan ng mga deboto at peregrino.

Tama lang mayroong pasok sa upisina at mga paaralan tuwing Pebrero 25 upang higit nating mapagnilayan muli ang diwa ng EDSA 1986, maisalaysay sa mga bata upang ipaunawa sa kanila ang kahalagahan at kahulugan ng tunay na kalayaan na batay sa pagtitiwala sa Diyos.

Hindi mabubura ang EDSA 1986 sa ating kasaysayan kung ipagpapatuloy natin ang kuwento at adhikain nito hanggang sa tayo ay magkaisa muli bilang sambayanan at mga alagad ni Kristo – kasama ni Maria, ang Birhen ng Fatima.

Larawan kuha ni Ka Ruben, bagong stained glass ng National Shrine of Fatima sa Valenzuela, Oktubre 2024; makikita sa dulong bahagi sa kaliwa ilang tagpo sa EDSA 1986.

Veritas Editorial

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Rev. Fr. Anton CT Pascual

Premyo para sa mga kaalyado?

 5,955 total views

 5,955 total views Mga Kapanalig, inabangan ng mga grupong nagsusulong ng mga bagong batas o ng mga pagbabago sa ating mga batas kung sinu-sino ang mga

Read More »

Senadong tumalikod sa tungkulin

 18,813 total views

 18,813 total views Mga Kapanalig, 19 sa 24 na senador ang pumabor sa mosyón na i-archive o isantabi muna ang impeachment case ni Vice President Sara

Read More »

INTEGRIDAD SA PAGGAMIT NG PERA

 93,114 total views

 93,114 total views Unfair! Bakit sa Kongreso lang, hindi lang pala sa Kongreso nakakalat ang mga linta sa salapi o pera ng taumbayan o kabangbayan. Lahatin

Read More »

CONGRESSMAN NAHULING NAKA-ONLINE SABONG

 148,838 total views

 148,838 total views Huling-huli sa akto., lulusot pa rin! Kapanalig, ito ang katotohanan na nagaganap sa ating Kongreso na binubuo ng ating kapita-pitagang mga mambabatas mula

Read More »

Mga sangandaan sa usapin ng enerhiya

 109,757 total views

 109,757 total views Mga Kapanalig, para kay Pangulong Bongbong Marcos Jr, kilalang-kilala raw tayo sa buong mundo dahil sa pagsusulong natin ng renewable energy. Sa kanyang

Read More »
12345

Watch Live

LATEST NEWS

12345

RELATED ARTICLES

God in our many transitions

 185 total views

 185 total views Lord My Chef Daily Recipe for the Soul, 12 August 2025 Tuesday in the Nineteenth Week of Ordinary Time, Year I Deuteronomy 31:1-8

Read More »

Begin with the End in sight

 1,657 total views

 1,657 total views Lord My Chef Sunday Recipe for the Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II Nineteenth Sunday in Ordinary Time, Cycle C, 10 August

Read More »

Counting our blessings

 1,290 total views

 1,290 total views Lord My Chef Daily Recipe for the Soul, 08 August 2025 Friday, Memorial of St. Dominic de Guzman, Priest Deuteronomy 4:32-40 <*((((>< +

Read More »

Virtue of listening

 1,532 total views

 1,532 total views Lord My Chef Daily Recipe for the Soul, 07 August 2025 Wednesday, Eighteenth Week in Ordinary Time, Year I Numbers 20:1-13 <*((((>< +

Read More »

Jesus amid strong winds

 2,110 total views

 2,110 total views Lord My Chef Daily Recipe for the Soul, 05 August 2025 Tuesday, Memorial of the Dedication of the Basilica of St. Mary Major

Read More »

Jesus wants YOU.

 7,646 total views

 7,646 total views Lord My Chef Sunday Recipe for the Soul, 03 August 2025 Eighteenth Sunday in Ordinary Time, Cycle C Ecclesiastes 1:2; 2:21-23 ><}}}*> Colossians

Read More »

Celebrating God

 6,857 total views

 6,857 total views Lord My Chef Daily Recipe for the Soul by Fr. Nicanor F. Lalog II Friday, Memorial of St. Alphonsus de Liguori, Bishop &

Read More »
1234567