230 total views
Umaasa si CBCP-NASSA/Caritas Philippines Executive Secretary Rev. Father Edu Gariguez na magkakaroon na ng kongkretong preventive measures ang mga law enforcement agency matapos ang ikatlong serye ng pagsabog sa Quiapo noong Sabado.
Iginiit ng Pari na hindi na dapat maulit ang naganap na karahasan dahil maraming inosenteng sibilyan ang nabibiktima.
“Tayo ay nakikiramay at nanawagan rin sa mga kinauukulan, sa mga may kapangyarihan na sana ay huwag na muling maulit o di kaya ay magkaroon ng mga preventive measures upang ito ay maiwasang mangyari na ulit. Pangatlong ulit na so alam naman natin na dapat gawin ang lahat para hindi mangyayari ang mga masamang pagtatangka.”pahayag ni Father Gariguez sa panayam sa Radio Veritas.
Umaapela rin ang Pari sa mga may kagagawan ng pagsabog sa Quiapo at sa lahat ng iba pang may karaingan sa lipunan na igalang ang kapakanan ng bawat mamamayan na maaaring maipit o madamay sa mga kaguluhan.
Nilinaw ni Father Gariguez na hindi nararapat manaig ang galit at karasahan sa isang demokratiko at disenteng bansa.
Ika-28 ng Abril ng maganap ang unang pagsabog sa Quiapo kung saan 14-na indibidwal ang nasugatan at noong ika-6 ng Mayo nangyari ang dalawang magkasunod na pagsabog malapit sa Manila Golden Mosque na ikinasawi ng 2-indibidwal at ikinasugat ang 6 na iba pa.
Una nang binigyang diin ng CBCP-NASSA – Caritas Philippines na walang puwang ang terorismo sa bansa at nanawagan ng pakikiisa ng mga mamamayan upang sama-samang mabantayan ang buong pamayanan mula sa banta ng mga terorista.