174 total views
May kasabihan, kapanalig, na ang mga pulubi ay hindi dapat maging mapili. Beggars can’t be choosers, ika nga sa ingles. Ang mga katagang ito ay naalala ng marami ngayon dahil ayon nga sa Malacanang, huwag tayong maging choosy. Tanggapin na lang daw natin ang bakunang ihahain ng nasyonal na pamahalaan.
Ang pahayag na ito ay hindi makatarungan. Hindi rin ito inaasahan sa isang nasyonal na opisyal na kumakatawan sa pinakamataas na opisina ng bayan.
Hindi ba’t sa lahat naman ng desisyon, lalo na kung nakataya ang buhay at kabuhayan natin, dapat lagi tayong maingat? Hindi ba dapat natin kalapin muna ang mga impormasyon na kaugnay sa desisyong gagawin, pag-aralan ang mga ito ng mabuti at pagnilayan upang malaman kung ano ang angkop na hakbang ang gagawin?
Naisawalat na naman ang mga impormasyon ukol sa mga bakunang available ngayon sa merkado. Nakumpara na ang kanilang efficacy rate: bakuna mula sa Pfizer at BioNTech ay may efficacy rate na 95%, ang Moderna 94.1%, at ang AstraZeneca 70% hanggang 90%. Ang Sinovac, nasa 50% lamang. Ang pinakamahal sa mga ito ay ang bakuna mula sa Moderna, sumunod naman ang Sinovac.
Sa mga opsyon na ito, hindi ba dapat makapili ang mga Filipino ng epektibo at akmang bakuna para sa lahat sa halagang abot kaya naman? Kapag mas mura kapanalig, hindi lamang tipid ang ganansya nito. Mas marami ring bakuna pang mabibili, mas marami ang mabibigyan natin ng proteksyon.
Ang problema ng bakuna sa bansa kapanalig, ay hindi lamang ukol sa presyo at efficacy rate. Ang tagal ng roll out nito sa bansa ay isang malaking isyu na dapat din nating bantayan. Isipin nyo kapanalig, mga katapusan pa ng Pebrero ang roll out nito, halos isang taon na mula sa ating paninimula ng quarantine, na siya ng pinakamahaba sa buong mundo.
Bagsak na ang ekonomiya. Ang mahal na ng mga bilihin. Milyong-milyong Filipino na ang walang trabaho. Dahil ba mahirap tayo, kailangan nating tanggapin ang bakunang mahal at mababa ang efficacy rate? Ang kahirapan ba ay katumbas na ng kawalan ng boses at karapatan?
Kapanalig, ang kahirapan ay hindi dapat magnakaw ng dignidad ng tao. Mula sa dignidad na ito ay dumadaloy ang ating mga karapatan. Ayon nga sa Pacem in Terris, “Any human society, if it is to be well-ordered and productive, must lay down as a foundation this principle, namely, that every human being is a person, that is, his nature is endowed with intelligence and free will.”
Mamili tayo kapanalig. Huwag na natin ulit ulitin ang ating mga nakaraang pagkakamali. Huwag nating hayaang busalan ang ating boses sa pamamagitan ng mga mabubulaklak ngunit baluktot na argumento. Alam natin ang tama, kaya’t mamili tayo ng tama, hindi lamang sa bakuna, kundi sa lahat ng aspeto ng ating buhay.
Sumainyo ang Katotohanan.