571 total views
Hinikayat ng pamunuan ng Basilica Minore del Santo Niño De Cebu ang mga debotong magtutungo sa simbahan na sundin ang mga ‘safety protocol’ upang maiwasan ang paglaganap ng coronavirus.
Ayon kay Fr. Ric Anthony Reyes, OSA, head secretariat sa mga gawain ng Fiesta Señor, may mga deboto pa rin ang pumupunta sa basilica sa kabila ng pagbabawal sa publiko na dumalo sa mga banal na pagdiriwang.
“We are advising [the devotees] that as much as possible to observe to the optimum level the social distancing and the health protocols,” pahayag ni Fr. Reyes sa Radio Veritas.
Ipinagpapatuloy naman ng simbahan ang mga virtual novena masses na mapapanood at mapakikinggan ng mga deboto sa mga social media platform ng basilica.
Sa unang araw ng misa nobenaryo ng Santo Niño umabot sa 20, 000 ang mga debotong dumalo kaya’t nahirapan ang mga otoridad na ipatupad ang physical distancing.
Dahil dito, napagkasunduan ng mga Agustinong pari na kanselahin ang in-person activities upang maiwasan ang ‘mass gathering’.
Mensahe naman ni Fr. Reyes sa mga pumupunta sa basilica ang ibayong pag-iingat para sa kapanakanan ng bawat isa na maging ligtas mula sa sakit.
Bukas naman sa publiko ang pilgrim center ng basilica at ilang bahagi ng simbahan kabilang na ang marble chapel na pinagluklukan sa imahe ng batang Hesus kung saan maaring makapagdasal ang mga deboto anumang oras.
Humiling din ng pang-unawa ang pamunuan ng basilica sa mga deboto sa pagkansela sa mga pampublikong misa lalo’t ito ay para sa kaligtasan ng mamamayan.
Maaring sundan ang mga misa ng Basilica Minore del Santo Niño de Cebu sa Facebook, Youtube at iba pang media partners ng simbahan.