454 total views
Ito ang payo ni Science and Technology Undersecretary Renato Solidum, Jr., kaugnay sa mga maaaring maranasang sakuna o kalamidad tulad ng lindol o pagputok ng bulkan.
Sa panayam sa programang Barangay Simbayan kay Solidum, palagi nilang ipinapaalala sa publiko ang kahandaan at pagiging mahinahon sa panahon ng lindol at pagputok ng bulkan.
“Pagdating naman sa lindol at kasama na yung volcano, ang aming sinasabi ang solusyon d’yan ay kahandaan natin at ‘yung readiness ng bawat indibidwal at pamilya,” pahayag ni Usec. Solidum sa panayam sa programang Barangay Simbayanan.
Nangamba naman ang opisyal hinggil sa mga taong nagpapalaganap ng ‘fake news’ na ginagamit namang batayan ng publiko.
Ayon kay Solidum, sa halip na makatulong ito ay nagdudulot ng pangamba at kaguluhan sa mga tao.
“Kapag ang tao ay masyadong malapit sa bulkan at naranasan nila ‘yung isang eruption talagang hindi mo maaalis ‘yung pangamba at nakakadagdag sa mental stress ang mga balita na hindi totoo na walang masyadong basehan,” ayon sa opisyal.
Ibinahagi rin ni Solidum na siya ring director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang dalawang uri ng lindol na maaaring maramdaman ng mga tao anumang oras.
“Dalawang klase ang pwedeng maramdaman ng tao. Una yung lindol sa bulkan at lindol sa malayo. Kapag lindol po sa bulkan ang mararamdaman ng mga tao, ito po ay up and down motion,” ayon kay Usec. Solidum.
Habang nararamdaman naman ang pahalang o tila inuugang paggalaw ng lupa kapag malayo ang epicenter o mula sa malalim na bahagi ng lupa.
“Pero kapag ang inyong naramdaman ay horizontal lang, ibig sabihin malayo po ang episentro sa inyo o napakalalim ng lindol and most likely hindi po ‘yun sa volcano,” paliwanag ni Usec. Solidum.
Enero 2020 nang pumutok ang bulkang Taal sa lalawigan ng Batangas na nagdulot ng mga paglindol at pagkalat ng ibinugang abo nito na umabot sa mga karatig na lalawigan.
Matatagpuan ang Pilipinas sa Pacific Ring of Fire o kilala rin bilang typhoon belt na bahagi ng karagatang Pasipiko kung saan karaniwan na ang mga paglindol at pagputok ng bulkan.