267 total views
Makahulugan para sa iba’t ibang lalawigan ang ikatlong taong paggunita sa pananalasa ng bagyong Yolanda sa Pilipinas.
Sa Archdiocese of Cebu, sinabi ni Social Action Director Rev. Fr. Socrates Saldua na bagamat malawak at labis ang naging pinsala ng Bagyo sa buhay ng maraming mamamayan ay naging daan naman ito upang kanilang maramdaman ang biyaya at pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng tulong na kanilang natanggap mula sa iba’t-ibang grupo o indibidwal.
Naniniwala si Fr. Saldua na sa loob ng tatlong taon ay patuloy na naging aktibo ang Simbahan upang maabot ang mga nangangailangan at ito ay isang patotoo na sa kabila ng kalamidad ay nariyan ang biyaya ng Panginoon para sa pagbangon.
“We are so grateful of the generosity of God . We are the witnesses of that blessings, we were able to reach out the victims in building houses, providing scholarship for the yolanda victims, organizing families for economic upliftment programs and others,” mensahe ni Fr. Saldua sa panayam ng Radio Veritas.
Naniniwala naman si Fr. Guillermo Alorro, Social Action Director ng Diocese of Calbayog na dapat panatilihin ng mga survivors ng bagyong Yolanda ang kanilang matatag na pananampalataya.
Dagdag pa ni Alorro, kanilang ipagpapatuloy ang paggawa ng pagtulong sa mga naapektuhan ng kalamidad kahit sa mga maliliit ngunit makabuluhan pamamaraan.
“Always must have a strong connection with God through prayers -and acts of charity in very small and meaningful ways to help our brethren especially those who are poorest of the poor,” ayon pa sa pari.
Magugunitang siyam na Diyosesis sa Pilipinas ang labis na napinsala ng bagyong Yolanda kung saan tinutukan ng Simbahang Katolika ang pagsasagawa ng mga programa para maibangon ang mga naapektuhan ng nasabing kalamidad.
Sa datos ng NASSA/Caritas Philippines taong 2015, aabot sa mahigit P3 bilyong halaga ng mga proyekto na kanilang ibinuhos sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo kung saan mahigit sa 20 porsyento ng kabuuang bilang ng mga nasalanta ang kanila ng natulungan.