185 total views
Hinimok ng Pinunong Pastol ng Arkidiyosesis ng Maynila ang mananampalataya na makilakbay kay Hesukristo sa panahon ng Kuwaresma nang may pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, mahalagang sa pakikilakbay ng tao kay Kristo ay ganap itong handa at walang anumang iniisip.
“Today, the first day of Lent, we start preparing to journey with Jesus to Jerusalem where He will show His love for God the Father and for us until the end. It is difficult to travel with heavy bags and baggages,” bahagi ng mensahe ni Cardinal Tagle.
Aniya, upang maibsan ang mga dalahin ng tao marapat na magbahagi ito sa kapwa sa pamamagitan ng pagkakawanggawa at pagkalinga sa mga nangangailangan sa lipunan bilang pagpapakita ng pakikiisa sa misyon ni Kristong tulungan ang mga dukha sa lipunan.
Ang pagbibigay ng limos sa nangangailangan ay isa sa mga paraang ginagawa ng Simbahan lalo na tuwing Kuwaresma upang matulungan ang mga mahihirap sa lipunan tulad ng pagpapakain.
“Like Jesus, let us travel light. Let us share what we have with the poor through acts of justice and charity called almsgiving. Let us take care of our health, our hungry neighbors and creation by restraining our appetite through fasting,” dagdag ng Cardinal.
Kaugnay dito, pangunahing tinutugunan ng programang Pondo ng Pinoy ng Archdiocese of Manila na itinayo noon ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales ang Hapag-Asa Feeding Program na nagpapakain sa libu-libong malonourished na kabataan sa buong bansa.
Ang Pondo ng Pinoy ay nangangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.
Binigyang diin ni Cardinal Tagle na ang paglingap sa kapwa at pananalangin ay makatutulong na mapagaan ang dalahin ng bawat mananampalataya dahil na rin sa mga pagkakasala.
Susi din ito upang mapalago ang diwa ng pananampalataya at pag-asa sa bawat isa sa tulong ng Mahal na Birheng Maria.
“Let us cast on the Lord our burdens in the spirit of faith and hope through prayer. Almsgiving, fasting and prayer will help us leave behind unnecessary bags and baggages on our Lenten journey with Jesus. Our Mother Mary will accompany us.” ani ni Cardinal Tagle.
Una nang hinikayat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mga mananampalataya na makiisa sa paggunita ng Simbahan sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa Krus.
Read: Mananampalataya, hinimok ng CBCP na humingi ng kapatawaran sa Panginoon ngayong Kuwaresma