422 total views
Matutugunan ng pagtatanim ng gulay sa mga bakuran ang nararanasang kagutuman sa bansa. Ito ang hamon ng dating opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA/Caritas Philippines) kaugnay sa proyektong Gulayang Bayan na naglalayong mahikayat ang mga komunidad na magtanim ng mga gulay upang maiwasan ang kagutuman sa bawat tahanan.
Ayon kay Fr. Edwin “Edu” Gariguez, kasalukuyang Social Action Director ng Apostolic Vicariate ng Calapan, Oriental Mindoro , maganda ang naidudulot ng pagtatanim ng gulay sa mga bakuran lalo’t patuloy na umiiral ang epekto ng pandemya sa bansa na nagreresulta sa kagutuman ng nasa mahihirap na komunidad.
Ipinaliwanag ni Fr. Gariguez na bukod sa ito’y masustansyang pagkain sa katawan, higit rin itong makakatulong upang makatipid sa mga gastusin sa araw-araw.
“Laging may pagkain kung tayo ay nagtatanim [ng prutas at gulay]. ‘Yung sustainability o pangangailangan ng pagkain [ay] matutugunan at hindi ka na bibili,” bahagi ng pahayag ni Fr. Gariguez sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, pinuri rin ng pari ang mga ipinapalaganap na community pantry sa iba’t ibang bayan at parokya na layong mabigyan ng makakain ang mga apektado ng pangkalusugang krisis.
Ayon kay Fr. Gariguez na ito’y magandang proyekto upang maibsan ang kagutuman sa bawat tahanan at pamayanan lalo’t patuloy na umiiral ang community quarantine.
Ngunit, sinabi ng pari na mayroong kaakibat na suliranin ang pagpapatuloy ng ganitong uri ng proyekto sa kabila ng magandang hangaring makapaghandog ng tulong sa kapwa.
Payo nito na mas makabubuting palaganapin rin ang pagtatanim sa halip na umasa lamang lagi sa panghihingi at ibinibigay na tulong. Dagdag pa ni Fr. Gariguez na dapat na ipagpatuloy ang pagiging mabait at matulungin sa kapwa lalo’t ang lahat-mahirap man o mayaman ay apektado ng pandemya.
“Mahalaga na makaisip ng suportang pamamaraan, kasi tuluy-tuloy pa rin ‘yan. Dapat maging mabait at magtulungan sa isa’t isa… Mas mabuting magtanim, kaysa humingi nang humingi… Tayong mahihirap, matuto ring magtanim,” saad ng pari.
Noong nakaraang taon sinimulan ng NASSA/Caritas Philippines ang Alay Kapwa sa Pamayanan: Caritas Kindness Stations na layong tugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng umiiral na pandemya at ang community quarantine.
Sa kasalukuyan, aabot na sa halos 80 ang mga community pantry na itinayo sa iba’t ibang lugar sa bansa mula nang nagsilbing huwaran ang Maginhawa Community Pantry sa Maginhawa, Quezon City na nagsimula noong Abril 14, 2021.