9,145 total views
Inaanyayahan ng Pastoral Care for Families of Migrants and Itinerant People of Novaliches (PAMINOVA) ang publiko partikular na ang kapamilya ng mga migrante na makibahagi sa nakatakdang paggunita ng diyosesis sa 110th World Day of Migrants and Refugees at 38th National Migrants Sunday.
Ayon sa PAMINOVA, layuning ng diyosesis na gunitain at alalahanin ang mga migrante sa pamamagitan ng pag-aalay ng panalangin at iba pang mga gawain na makapagpapadama sa patuloy na pagkalinga ng Simbahan para sa kanilang kapakanan at kaligtasan.
“PAMINOVA extends its warm invitation to all families of migrants, parishioners, and the general public to join this meaningful celebration of faith, solidarity, and hope for those affected by migration.” paanyaya ng PAMINOVA.
Nakatakdang pangunahan ni Novaliches Bishop Roberto Gaa ang pagdiriwang ng banal na misa para sa pag-alala at pananalangin sa kaligtasan at katatagan ng mga migrants at refugees na nawalay sa kanilang mga mahal sa buhay katuwang si PAMINOVA Priest Director Rev. Fr. Leo Laguilles.
Nakatakda ang pagdiriwang ng banal na misa para 110th World Day of Migrants and Refugees at 38th National Migrants Sunday sa ika-29 ng Setyembre, 2024 ganap na alas-tres ng hapon sa Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd sa Fairview, Quezon City.
Matapos ang banal na misa ay magkakaroon naman ng Diocesan Migrants Assembly sa Shepherds Place na matatagpuan sa tabi ng katedral kung saan tampok ang ilang mga kinatawan mula sa pamahalaang lungsod ng Quezon City na tatalakay sa mga kasalukuyang programa at benepisyo na ipinagkakaloob ng pamahalaang lungsod para sa mga migrants at kanilang mga naiwang kapamilya at mahal sa buhay.
Magkakaroon din ng talakayan kaugnay sa Financial Literacy na naglalayong mabigyan ng naaangkop na kamalayan at kaalaman ang mga naiwang kapamilya ng mga migrante sa naaangkop na pangangasiwa sa pinagsusumikapan ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Following the Mass, a Diocesan Migrants Assembly will be held at the Shepherds Place, adjacent to the Church. The assembly will feature a special guest speaker from the Quezon City government, who will discuss the various programs and benefits available to migrants and their families they left behind. A Financial Literacy will also be given by BDO to the attendees. This informative session aims to provide vital information to empower and support migrant families, fostering a stronger sense of community and care within the Diocese of Novaliches.” Pagbabahagi pa ng PAMINOVA.
Tema ng magkaalinsabay na paggunita ng 110th World Day of Migrants and Refugees at 38th National Migrants Sunday ang “God Walks With His People” na layuning ihayag ang tuwinang pakikilakbay ng Panginoon sa buhay ng bawat isa.
Sa datos ng pamahalaan, umaabot na sa 10-milyon ang mga Filipino na nagtatrabaho at naninirahan sa ibayong dagat na unang kinilala ng Santo Papa Francisco bilang ‘smugglers of faith’ dahil sa masigasig na pagpapahayag ng pananampalataya at pagiging katuwang ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa mga bansang kanilang pinaglilingkuran.