6,412 total views
Binalaan ng BAN Toxics ang publiko laban sa pagbili ng Halloween costumes at decorations na maaaring may sangkap na nakalalasong kemikal ngayong nalalapit na ang paggunita sa Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Ayon kay BAN Toxics Campaigner Thony Dizon, bukod sa nakakatakot na hitsura ng mga produkto, dapat ding maging maingat ang mga magulang sa posibleng epekto nito sa kalusugan ng mga bata.
“Parents should be wary of the creepy and scary presence of toxic chemicals in children’s products which may lead to various health problems,” ayon kay Dizon.
Sa market monitoring, bumili ang BAN Toxics ng anim na Halloween mask at sinuri ang mga ito gamit ang chemical analyzer, at natuklasan na ang mga maskara ay naglalaman ng nakalalasong lead na umabot sa 1,130 parts per million (ppm) at cadmium na umabot naman sa 160 ppm.
Bukod pa rito, bigo rin ang mga produktong sundin ang umiiral na product labeling standards na itinatakda ng Republic Act 10620, o ang Toy and Game Safety Labeling Act of 2013.
Ipinag-uutos dito ang pagsunod ng toy manufacturers sa labeling requirements, kabilang ang License to Operate number mula sa Food and Drug Administration (FDA), at iba pang mga mahahalagang detalye.
Batay naman sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Chemical Control Order for Lead and Lead Compounds, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng lead sa paggawa at pagbebenta ng mga laruan at school supplies.
Habang ang cadmium naman ay may nakalalasong epekto sa bato, skeletal at respiratory system, at itinuturing na human carcinogen na nagdudulot ng cancer.
Panawagan naman ng BAN Toxics sa FDA at Department of Trade and Industry na magsagawa ng post-market surveillance at kumpiskahin ang mga produktong walang wastong label at hindi rehistrado sa pamilihan.
“Preventing the spread of unsafe children’s products in the market should be the core action not just of a single agency but a concerted effort by all stakeholders, including local government units and the general public,” dagdag ng grupo.
Una nang binigyang-diin ng Simbahang Katolika na hindi kaugalian ng isang Kristiyano ang pagsusuot ng mga nakakatakot na kasuotan upang ipagdiwang ang Halloween kundi dapat ilaan ang panahon para mag-alay ng panalangin at parangalan ang mga banal ng simbahan at mga yumaong mahal sa buhay.