9,425 total views
Tiniyak ni San Pablo Bishop-designate Marcelino Antonio Maralit ang kahandaang maglingkod sa kristiyanong pamayanan ng Laguna makaraang italaga ni Pope Francis nitong September 21.
Aminado ang obispo na may agam-agam ito sa kanyang kakaharaping misyon lalo’t sa halos isang dekadang pagiging obispo ay naglingkod ito sa payak at maliit na Diocese of Boac na may 250, 000 populasyon ng mga katoliko kumpara sa tatlong milyon ng Diocese of San Pablo.
“Ako po ay handa muling magbigay ng buo kong sarili sa paglilingkod at magtiwala sa biyaya ng Diyos katulad nung panahong tinanggap ko ang pagiging obsipo ng Boac. Please be patient with me. Ako naman po ay nagtitiwala din sa kabukasan ng inyong mga kalooban sa karunungan at kalooban ng Diyos na Siyang lumoob sa aking pagiging obispo,” pahayag ni Bishop Maralit sa Radio Veritas.
Batid ni Bishop Maralit ang sama-samang pananalangin ng diyosesis sa pagkakaroon ng punong pastol makaraang magretiro si Bishop Buenaventura Famadico noong 2023 kaya’t hiling nito sa mamamayan ang patuloy na panalangin sa kanyang pagpapastol katuwang ang 150 mga pari.
“Ako ay naniniwala na ang aking pagkakatalaga e bunga din ng inyong sama-samang pananalangin… Patuloy pa po sana ninyo akong ipanalangin,” ani Bishop Maralit.
Itinakda ang pagluluklok kay Bishop Maralit bilang ikalimang obispo ng San Pablo sa November 21 kasabay ng Kapistahan ng Paghahandog kay Maria sa Templo.
Ipinagkatiwala ng obispo sa maka-Inang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria ang kanyang sisimulang tungkulin sa diyosesis kasabay ng panawagang sama-samang paglalakbay bilang simbahan tungo sa landas ni Hesus.
Ikinalugod ng diyosesis ang pagkaloob ng bagong obispo na tanda ng pagpapadama ng pag-ibig ng Panginoon sa kristiyanong pamayanan sa lugar.
Dalanganin ng pamayanan na taglayin ng bagong punong pastol ang pusong tulad ng Mabuting Pastol na handang maglingkod at magmahal sa kawang ipinagkakatiwala sa kanyang pangangalaga.