200 total views
Muling nanawagan ang Coal Free Bataan Movement sa mga kumpanya ng coal fired power plant, sa lokal na pamahalaan at Department of Environment and Natural Resources na bigyang pansin ang kalusugan ng mga residente ng Bataan.
Ayon kay Derec Cabe – head ng Coal Free Bataan Movement, patuloy na tumataas ang bilang ng mga nagkakaroon ng respiratory disease at skin disease dahil sa abo na ibinubuga ng mga planta.
Nanawagan din si Cabe sa D-E-N-R na gumawa ng aksiyon sa hindi pagsunod ng Petron Corporation at San Miguel Consolidated Power Corporation coal-fired power plant sa Limay, Bataan sa kanilang show cause order na itigil pansamantala ang operasyon ng mga planta.
“Ito ang gusto naming iparating yung usapin doon sa mga tao sa pagkakasakit nila, duon sa pagkasira ng kalikasan, ito yung mga gusto naming i-agenda para doon sa local authority at DENR,”pahayag ni Cabe sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon sa pag-aaral ng grupo, aabot sa 254 na tonelada ng abo araw-araw ang ibinubuga ng coal fired power plant na nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng mamamayan lalo na ng matatanda at mga bata.
Nauna rito, nangako si DENR secretary Gina Lopez na papanagutin ang Petron Corporation at San Miguel Corporation sa mapinsalang usok na ibinubuga ng kanilang planta sa Limay, Bataan.
Read: http://www.veritas846.ph/petron-papanagutin-ng-denr/
Una nang iminungkahi ni Pope Francis, sa encyclical nitong laudato si ang pagpapalawak ng pag-gamit sa renewable energy upang maibsan ang kakulangan sa kuryente, at mapalitan ang mga fossil fuels na nagdudulot ng pagkasira sa kalikasan.