240 total views
Pinaalalahanan ng isang pari ang mga mananampalataya laban sa mga pekeng relikya na ibinibenta para gamiting anting-anting.
Ayon kay Rev. Fr. Dionisio Selma, Prior Superior ng Order of Augustinian Recoletos – ang mga bahagi ng katawan at gamit ng mga banal tulad ng relikya ni St. Augustine ng Hippo.
“In order to be authentic there must be proper documentation. Kasi there are false relics na ikinakalat and it can be dangerous kasi it can be used for selling,” ayon kay Fr. Selma.
Paliwanag ng pari ito ay hindi maaring gamiting anting-anting at hindi rin maaring ibenta.
“The relics are a means to which God acts. They are the cause of healing, they are instruments of God. But they are not ‘anting-anting’ and they are not magic,” ayon kay Fr. Selma.
Ang relikya ni St. Augustine ay dumalaw na sa iba’t ibang parokya sa Maynila bilang bahagi ng nationwide pilgrimage kasabay na rin ng pagdiriwang ng Pilipinas ng ‘Year of the Clergy and Consecrated Persons’ at matutunghayan hanggang June 8 sa Basilica Minore de San Sebastian sa Plaza del Carmen sa Quiapo Manila.
“It is an extension and expression of the Sacramental life of the Church so we can grow in holiness,” paliwanag pa ni Fr. Selma sa pagdalaw ng relikya sa San Sebastian church kung saan pinangunahan niya ang ‘welcome mass’.
Sa kaniyang homilya, sinabi ni Fr. Selma na bukod sa krus ng tagumpay ang mga santo at mga banal ay mga biyayang handog ng Panginoon sa mga mananampalataya.
Dahil ang mga banal na ito ay namuhay sa kabanalan at sa tulong ng kanilang pamamagitan ay ating nararanasan ang kagalingan at pagbabalik loob sa Panginoon.
Ang pagdalaw ng relikya sa bansa ay sa pamamagitan ni Fr. Dennis Ruiz -Postulator General of the Order of Augustinian Discalced (OAD) na siyang nagdala ng relikya na bahagi ng buto ni St. Augustine na mula pa sa General Curia sa Roma, Italya.
Kabilang sa mga parokyang dinalaw ng relikya ay ang Sanctuario de San Antonio, chapel of Sta. Monica, Cathedral Parish of St. Anthony kung saan nagbibigay din ng pananalita si Fr. Ruiz hinggil sa kahalagahan ng mga relikya at mga banal sa ating buhay pananampalataya.
Si St. Augustine ay inordinahang pari noong 391 at naging obispo ng Hippo sa loob ng apat na taon.
Siya ay nasawi sa Hippo o kilala ngayon bilang Algeria taong 430 sa edad na 75.
Ang kaniyang labi ay matatagpuan sa simbahan ng San Pietro in CielD’oro Pavia, Italya. Kinikilala rin ang kanyang mga inakda tulad ng City of God na naging bahagi ng paglago ng kristiyanismo at Western philosophy. Siya rin ay kinikilala bilang guro o Doctor of the Church.