391 total views
Hinimok ng social arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mananampalataya na suportahan ang Alay Kapwa program ng simbahan.
Ito ang panawagan ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng CBCP-NASSA/Caritas Philippines sa pagpasok ng panahon ng kuwaresma.
Nawa’y isabuhay ng mananampalataya ang diwa ng kuwaresma na panalangin, pag-aayuno at paglilimos bilang pakikiisa sa sakripisyo ng Panginoon.
“The best expression of almsgiving is Alay Kapwa; kahit sa kaunting tulong kapag pinagsama-sama marami na tayong matutulungan,” pahayag ni Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Ibinahagi ni Bishop Bagaforo na ang pondo ng Alay Kapwa noong nakalipas na taon ay inilaan para sa rehabilitation program ng Caritas Philippines sa mga labis naapektuhan ng bagyong Rolly at Ullysses at maging sa mga biktima ng sunod-sunod na lindol sa Mindanao.
Sa kabila ng limitadong pondo dahil na rin sa epekto ng pandemya, milyong indibidwal pa rin ang natulungan ng simbahan na makaahon sa epekto ng mga kalamidad habang nagpapatuloy din ang iba pang programa ng social arm ng CBCP tulad ng scholarship program sa mahihirap na kabataan.
“Ang pagtulong sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos, Kapwa ko Pananagutan ko,” giit ni Bishop Bagaforo.
Pebrero 15,2021 nang lumagda ng kasunduan ang Caritas Philippines at ABS-CBN para higit isulong ang Alay Kapwa kung saan inilunsad na rin ang online platform ng pagbibigay ng donasyon sa naturang programa gamit ang mga digital platforms gaya ng Gcash, Paymaya at iba pa.
Umaasa ang obispo na gawing makabuluhan ng mananampalataya ang lenten season sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga social programs ng simbahang katolika.