311 total views
Mga Kapanalig, isa ang edukasyon sa mga napilayang sektor sa ating bansa mula noong nag-umpisa ang pandemyang COVID-19. Milyun-milyong kabataang Pilipino ang lubhang naapektuhan at lalo pang nadagdagan ang mga hamon sa kanilang pag-aaral. Patunay nito ang nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng mga out-of-school youth (o OSY) sa bansa nitong huling school year.
Sa datos ng Department of Education (o DepEd), umabot sa halos apat na milyong mag-aaral ang hindi nakapagpa-enroll para sa kasalukuyang school year. Nasa 23 milyon ang nakapagpa-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan, lubhang mababa kumpara sa 27.7 milyong nakapagpatala noong 2019. Para kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Youth, hindi biro ang malaking bilang ng OSY dahil maaari itong humantong sa mas malalaking problema kung hindi ito maaagapan. Nakababahala raw na ang paghinto sa pag-aaral ng mga kabataan ngayong taon ay maaaring tuluyang mauwi sa pagkawala ng panahon upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Maraming hadlang at hamon sa new normal na paraan ng pag-aaral. Isa sa mga ito ang mababang kalidad na information communication technology (o ICT) amenities at infrastructures na mayroon tayo sa ating bansa. Sa isang survey na isinagawa ng DepEd noong Hunyo ng nakaraang taon, libu-libong mga guro sa buong bansa ang kulang sa gadgets at walang internet connection upang maisagawa ang tinatawag na distance learning. Hindi rito nalalayo ang sitwasyon ng mga estudyanteng Pilipino. Nagresulta ito ng tinatawag na digital divide kung saan mas lumawak ang agwat sa pagitan ng mga mga mahihirap, na may limitado o walang access sa internet connection at gadgets, at ng mga maykayang mayroong access sa teknolohiya. Nagbunga rin ito ng mababang antas ng digital literacy sa ilang mga mag-aaral, magulang, at guro; ibig sabihin, hindi sapat ang kanilang kaalaman at kahandaan upang maisagawa ang online learning.
Bukod sa pandemya at sa kawalan ng access sa mga ICT materials, kahirapan ang nangungunang dahilan kung bakit humihinto ang mga kabataan sa pag-aaral. Sa datos ng Philippine Statistics Authority, halos 50% ng OSY ay kabilang sa bottom 30% ng populasyon batay sa per capita income.
Tunay na nakababahala ang lumolobong bilang ng OSY sa ating bansa, lalo na’t alam nating karapatan ng bawat isang makapag-aral at makatanggap ng mahusay na kalidad ng edukasyon. Tandaan nating susi ang edukasyon sa paghubog ng pagkatao ng bawat isa upang siya ay maging produktibong mamamayan sa lipunang kaniyang kinabibilangan. Sa pagkakataong nililinang niya ang kaniyang kaalaman at kakayanan, hindi lamang niya napayayaman ang kaniyang buhay; nagiging hakbang din ito sa pagpapaunlad ng kanyang pamilya, pamayanan, at bayan. Gaya nga ng sabi sa Kawikaan 3:13-17, “mapalad ang taong may karunungan at pang-unawa… Walang anumang bagay ang maaaring ipantay dito. Pauunlarin nito ang iyong kabuhayan at magbibigay sa iyo ng karangalan. Ang karunungan ay magpapabuti ng iyong kalagayan.” Sa panlipunang turo ng Simbahan, sinasabing binubuhay ng edukasyon ang pagiging kritikal ng isang indibidwal upang mapagnilayan ang lipunang kaniyang ginagalawan, minumulat tayo ng edukasyon sa konkretong sitwasyon at binubuo ito ng panawagang masiguro ang pagpapabuti ng lipunan.
Kaya, mga Kapanalig, napakahalagang nakakapag-aral ang lahat ng bata, at pangunahing tungkulin ng pamahalaang gawing inklusibo, libre, at dekalidad ang edukasyon. Hamon para sa lahat ng mga nasa sektor ng edukasyon kung paano magpapatuloy ang pag-aaral ng mga bata sa gitna ng pandemya. Dapat magtulungan ang pamahalaan, pribadong sektor, at ang mga pamayanan upang marating natin ang kalagayang makatutulong sa paghubog ng isip at karakter ng ating kabataan. Kung mayroong malakas na kooperasyon at suporta ang iba’t ibang institusyon at sektor, magpapatuloy ang edukasyon sa ating bansa kahit sa gitna ng krisis at maraming kabataan ang makikinabang at makapag-aambag sa pag-unlad ng ating bansa.