414 total views
Nagagalak ang opisyal ng Catholic Bishops Conference of Philippines (CBCP) sa napapanahong pagbabago ng panuntunan ng pamahalaan kaugnay sa pagsasagawa ng mga religious activities sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Ayon kay Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara–Southwest Luzon Regional Representative ng CBCP isang magandang pagkakataon sa papalapit na pagsisimula ng Kwaresma ang pagtataas ng limitasyon ng mga maaring makadalo sa mga banal na pagdiriwang sa 50-porsyento ng kapasidad sa mga Simbahan mula sa dating 30-porsiyento kabilang na sa Metro Manila.
Paliwanag ng Obispo, isang mahalagang panahon ang Kuwaresma para sa mananamapalatayang Katoliko upang maihanda ang puso, isip at sarili sa 40-araw sa pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng Panginoon para sa sangkatauhan.
“Ibig sabihin po na mas marami pong makakadalo sa atin pong mga religious services na gaganapin, alam naman po natin na sa February 17 ay Ash Wednesday na po at magsisimula na po ang ating Lenten Season ang Lenten journey po natin, so yung pagpupuno ng ating mga Simbahan up to 50% ay isang magandang development po yan para lalo pong maraming maka-attend ng ating religious services,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Vergara sa panayam sa Radio Veritas.
Nagsimula ang implementasyon ng panuntunan ng IATF na 50-porsyento ng kapasidad ng simbahan Lunes, February 15.
Ang paggunita ng Miyerkules ng Abo ay gaganapin sa February 17 ang hudyat ng pagsisimula ng ng Kwaresma kung saan inaasahan ang ilang mga pagbabago dahil na rin sa mga ipinatutupad na mga safety health protocols dulot ng COVID-19 virus.
Pagbabahagi ni Bishop Vergara, ang rekomendasyon ng CBCP na pagbubudbod ng abo sa ulo ang tutupdin ng Diyosesis ng Pasig bilang pakikiisa ng Simbahan sa patuloy pag-iingat sa gitna ng pandemya.
“Naglabas naman ang bawat diocese ng yung mga gagawin para sa imposition ng ashes, dito po sa Diocese of Pasig ang aming pong ginawa nga ay yung recommended na i-sprinkle lang sa bunbunan during within the mass kapag dumating na yung pagpila para kumuha na ng ashes,” Dagdag pa ni Bishop Vergara.
Ibinahagi rin ng Obispo ang pakikiisa ng diyosesis sa pagsusulong na magkaroon ng pampamilyang selebrasyon ng Miyerkules ng Abo sa bawat tahanan sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga abo at liturhiya sa bawat pamilya.
“Tapos naglabas din po tayo ng circular and I’m sure the other diocese, have implemented this kung papaano magkakaroon din ng family celebration ng Ash Wednesday, in fact sa mga parishes din namin yung iba ay nagdi-distribute din po ng mga ashes para sa mga pamilya and a liturgy para sa Ash Wednesday,” ayon kay Bishop Vergara.