540 total views
Naniniwala ang Department of Agrarian Reform (DAR)na makatutulong ang urban gardening sa pagsugpo ng kagutuman sa bansa lalu na sa mga lungsod.
Umaasa rin si Agrarian Secretary Bro. John Castriciones na matutuhan ng mga taga-lunsod ang pagtatanim sa kanilang mga bakuran.
Ito ang mensahe ng kalihim sa inlunsad na ikatlong ‘Buhay sa Gulay’ project ng kagawaran sa Caloocan City.
“Through this project (Buhay sa Gulay) sana maging model ito para sa mga nakatira sa syudad para magtanim sapagkat malaking tulong ito sa food supply natin,” pahayag ni Castriciones sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa ng kalihim mabisa rin itong tugon sa suliranin ng kagutuman at kahirapan sa bansa na pinalala pa ng coronavirus pandemic.
Sa isang survey ng Social Weather Station (SWS) naitala ang mahigit apat na milyong pamilya ang nagugutom dahil sa kawalan ng sapat na pagkain at nawalan ng pagkakakitaan makaraang malugi ang ilang negosyo sa bansa.
Tiwala rin si Castriciones na makatutulong ang urban gardening na mapalakas ang sektor ng agrikultura at magkaroon ng kabuhayan ang maralitang tagalunsod.
Paliwanag ng kalihim na kasabay ng pag-unlad sa sektor ng agrikultura ay muling uusbong at makabangon ang bumagsak na ekonomiya ng bansa na sa tala ng Philippine Statistics Authority nasa 9.5 porsyento ang pagbaba ng Gross Domestic Product ng bansa noong 2020 ang pinakamalalang pagbagsak ng ekonomiya makalipas ang ikalawang digmaang pandaigdig.
“Kapag natutukan at mapalakas natin ang sektor ng agrikultura, uunlad din ang ekonomiya ng ating bansa,” dagdag ng kalihim.
Unang naglaan ang St. John Bosco Parish sa Tondo Manila ng halos isang ektarya para sa Buhay sa Gulay, sumunod naman ang Quezon City na pitong ektarya habang isang ektarya naman sa Caloocan City.
Tiniyak ng DAR na paiigtingin ang proyekto sa iba pang mga syudad sa Metro Manila at mga lalawigan sa bansa.