3,672 total views
Nanawagan ang One Faith One Nation One Voice sa mananampalataya na sa paggunita sa adbiyento at pasko ay pagnilayan ang maaaring magawa o maiambag sa bayan.
Ayon sa grupo na ginagabayan ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo, mahalagang gamiting pagkakataon ng bawat isa ang panahon ng adbiyento upang makaambag sa pagkamit ng hinahangad na kaunlaran at kapayapaan sa bansa.
Pinayuhan ng One Faith One Nation One Voice ang mamamayan na huwag magbulag-bulagan sa nagaganap sa lipunan na kinakailangang tugunan upang maisaayos at maitama.
“One Voice calls the nation to think again on what will make for peace this Christmastide. As Advent calls us into a time of anticipation, we as Filipinos, are encouraged to open our eyes to fully recognize and observe the realities around us.” Ang bahagi ng pahayag ng One Faith One Nation One Voice.
Ibinahagi ng grupo na ang Adbiyento ay dapat magsilbing hudyat upang mawakasan ang pagsasawalang bahala sa kapakanan ng bayan at ng kapwa.
Iginiit ng One Faith One Nation One Voice na napapanahon na upang mawakasan ang karahasan at kawalan ng katarungan tulad ng red-tagging, extra-judicial killing, at ang hindi makatwirang pag-aresto at pagditine sa mga hinihinalang sangkot sa iba’t ibang mga kaso sa kabila ng kawalan ng ebidensya at due process.
“Advent should disturb our indifference. Continuing violations to life and other fundamental human rights should not be justified through unjust laws. Reminiscent of the time before the first Christmas, threats, attacks, and harassments are common against those who speak out against injustice and violence, such as red-tagging, arbitrary arrests and detention, disappearances, and extra-judicial killings.” Paglilinaw ng grupo.
Umaasa ang One Faith One Nation One Voice magsilbing daan ang Adbiyento upang maihanda ang bawat isa sa pagsapit ng pasko.
Kaugnay nito, hinihikayat din ng grupo ang bawat isa na makibahagi sa isinasagawang Simbang Gabi at Misa de Gallo bilang paghahanda sa papalapit na Pasko ng Pagsilang.