1,444 total views
Maging mapagpakumbaba at manatili sa pag-ibig ni Kristo.
Ito ang tagubilin ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula sa mga bagong ordinang diyakono ng Arkidiyosesis sa ginanap na banal na misa at Diaconal Ordination sa Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral.
Ayon kay Cardinal Advincula, mahalaga ang pagiging mapagpakumbaba sa lahat ng pagkakataon lalo na sa paglilingkod kay Kristo.
Sinabi ng cardinal na kabilang sa mga dapat isaalang-alang ng mga bagong diyakono sa kanilang tungkulin ang pag-iwas sa pagiging makasarili sapagkat maaari itong makaapekto sa hakbang tungo sa pagiging ganap na pari ni Kristo.
“It is remaining in Jesus that our service and ministry become authentic. If our service is born out of our remaining in Jesus, then we will serve for the right reasons, with the right intentions and with the right attitude.” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Paliwanag ni Cardinal Advincula na ito ang aral na nais ipabatid ng Panginoon sa Kanyang mga alagad upang higit na maunawaan ang kahulugan ng pag-ibig at tungkulin pagiging mabubuting tagasunod.
Ang mga inordinahang diyakono ay sina Rev. Kim Joshua Bibon, Rev. Adrian David, at Rev. Jesus Madrid, Jr. mula sa San Carlos Seminary, at Rev. Mark Francis Campit, at Rev. Christopher Crucero mula naman sa Lorenzo Ruiz Mission Society.
Umaasa ang cardinal na magagampanan nang wasto ng mga inordinahang diyakono ang kanilang panibagong tungkulin, na kalauna’y tatawaging ganap na pari ni Kristo at ng sambayanan.
“You are not only called to be efficient servants. You are called to be holy servants. Servants who serve with the heart of Jesus.” saad ni Cardinal Advincula.
Samantala, kasama sa mga dumalo sa ginanap Diaconal Ordination ang mga pari at layko ng Archdiocese of Manila, at mga pamilya ng mga bagong diyakono.
Ang pagiging diyakono ang huling hakbang ng paghuhubog na karaniwang tumatagal ng anim na buwan hanggang isang taon bago ang ordinasyon sa pagiging ganap na pari.