464 total views
Ipinaliwanag ng obispo na ang 10 percent capacity ng mga simbahan ay nakadepende sa pagpapatupad ng kura paroko at ng pastoral council batay sa sitwasyon ng kani-kanilang lugar.
“Hindi po ito defiant sa IATF kundi ito ay affirmation ng right to worship; dapat maintindihan ng tao na sa simbahan ay may principle of subsidiarity, ibig sabihin magbibigay tayo ng instruction at ang magtitingin kung paano maipatutupad ay ang mga lokal na simbahan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Iginiit ni Bishop Pabillo na hindi sinusuway ng arkidiyosesis ang I-A-T-F resolution 104 na nagbabawal ng mass gatherings.
Umaasa ang obispo na linawin ng pamahalaan ang kahulugan ng mass gatherings upang hindi magdulot ng kalituhan ang implementasyon nito sa pamayanan.
Sinabi pa ng obispo na hindi maituturing na mass gathering ang sampung porsyentong kapasidad sa mga simbahan sapagkat malalaki ang simbahan kung saan matiyak ang mahigpit na pagpapatupad ng physical distancing.
Nanindigan si Bishop Pabillo na hindi dapat ipatupad ang pagbabawal sa mga gawaing simbahan lalo ngayong semana santa ng walang pag-uusap at konsultasyon sapagkat magdudulot ito ng kalituhan.
Ipilinawag ng Obispo na mahalaga ang konsultasyon sa pagitan ng simbahan at pamahalaan upang maging malinaw ang ipapatupad na guidelines.
Iginiit ng Obispo na ang “Holy week” ay sentro ng pananampalatayang Katoliko na nararapat gunitain.
Sa Germany, tutol din ang kalipunan ng mga obispo sa pagpapasara ng mga simbahan hanggang sa Easter Sunday dahil sa pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay Bishop George Bätzing, pangulo ng German Catholic Bishops’ Conference na napatunayan na ng simbahan ang maingat na pagsasagawa ng gawain noong Disyembre kaya’t makakayanan din nitong maipatupad sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.