112,832 total views
Mga Kapanalig, kung sinubaybayan ninyo ang labintatlong pagdinig na ginawa ng tinatawag na quad committee (o QuadComm) ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan tungkol sa mga extrajudicial killings (o EJK) kaugnay ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte, nanlumo siguro kayo sa dami at bigat ng mga inakusa sa mga sangkot.
Humantong ito sa rekomendasyon ng QuadComm na maghain ng reklamong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa ilang kaalyado at tauhan niya. Nilabag daw nila ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity. Kasama sa mga pinakakasuhan sina dating PNP chief at ngayon ay Senador Ronald “Bato” dela Rosa at dating special assistant to the president at kasalukuyang Senador Christopher “Bong” Go. Sa kanilang progress report, sinabi ng QuadComm na may “grand criminal enterprise”—isang napakalaki at napakalawak na kriminal na gawain—kung saan ang dating pangulo ang nasa sentro. Lahat ng mga pangalang binanggit ng mga testigo at inimbitahan sa mga pagdinig ay may kaugnayan kay dating Pangulong Duterte at sa kanyang pamilya.
Bahala na raw ang Department of Justice (o DOJ) na pag-aralan ang rekomendasyon ng QuadComm. Iyan ang maingat na sagot ni Pangulong Bongbong Marcos Jr nang hingin ang kanyang reaksyon sa resulta ng mga hearing na ginawa ng mga mambabatas. Bago nito, bumuo na ang DOJ ng isang task force para imbestigahan ang mga kaso ng EJK mula nang ipatupad ng administrasyong Duterte ang madugong giyera nito kontra droga. Sa opsiyal na tala ng pamahalaan, umabot sa 6,200 na drug suspects ang napatay (o pinatay) sa mga ikinasang operasyon ng mga pulis at iba pang ahensya. Limang beses na mas marami rito ang bilang ng mga human rights organizations. Marami raw sa mga kaso ay hindi na naire-report sa pulis o hindi na naibabalita.
May mangyari naman kaya pagkatapos ng mahabang pagsisiyasat ng QuadComm? Kikilos ba talaga ang DOJ? May masasampahan kaya talaga ng kaso at mapananagot sa batas? Makakamit kaya ng mga biktima ng war on drugs—ng mga hindi binigyan ng pagkakataong ipagtanggol ang kanilang sarili sa batas at ng kanilang mga naulilang pamilya—ang katarungan?
Sa takbo ng gulong ng batas, ‘ika nga, sa ating bansa, hindi mawawala ang mga dudang may kahihinatnan ang pagpapanagot sa dating presidente at mga taong tinulungan siyang palaganapin ang takot sa mga mamamayan. Hindi rin natin maikakailang may mga kababayan tayo—kabilang ang mga Katoliko—na ipinagpapasalamat pa ang war on drugs. Wala silang nakikitang mali kung may mga buhay mang nawala at may mga pamilyang namatayan kung ang kapalit naman nito ay mas tahimik na kapaligiran at pagkawala ng mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot. May karisma ang dating presidente na tila napukaw ang imahinasyon ng marami sa atin at napaniwala tayong mabuti at tama ang ginawa niyang pagpapalaganap ng kultura ng karahasan at pagpatay. Nakalulungkot ito at lubhang nakababahala rin.
Sa huli, nakasalalay ang itatakbo ng mga kasong iminungkahi ng QuadComm sa kasalukuyang administrasyon. Papel ng estado, sa pamamagitan ng gobyerno, na ipagtanggol at itaguyod ang kabutihang panlahat o common good. Hango iyan sa katesismo ng ating Simbahan. Kung seseryosohin ng mga lider natin ngayon ang paalalang ito, hindi mahirap na makamit ang katarungang ipinagkait sa mga biktima at naulila ng giyera kontra droga, na karamihan ay mahihirap.
Mga Kapanalig, bukod sa eleksyon, ang magiging aksyon ng administrasyon sa mga rekomendasyon ng QuadComm ang aantabayanan natin ngayong bagong taon. Ipagdasal natin ang ating bayan at ang ating mga pinuno para, sabi nga sa 2 Cronica 19:7, maging maingat sila sa kanilang mga gagawin at paghatol.
Sumainyo ang katotohanan.