5,217 total views
Nananatili sa mga evacuation center sa La Castellana, Negros Occidental ang humigit-kumulang 154 pamilya o 504 indibidwal, kaugnay ng patuloy na pagliligalig ng Bulkang Kanlaon.
Ayon kay Fr. Romel “Boyet” Enar, Parochial Vicar ng Saint Vincent Ferrer Parish-Shrine sa La Castellana, mula pa noong pagsabog ng bulkan noong December 2024, hindi pa rin nakakabalik sa sariling mga tahanan ang ilang pamilya dahil sakop ang kanilang lugar ng 6-kilometer radius permanent danger zone.
Ibinahagi ni Fr. Enar na ligtas at hindi naapektuhan ng nangyaring “explosive eruption” ng Bulkang Kanlaon ang La Castellana, ngunit nakaranas naman ng ash fall ang La Carlota City.
“Explosion was considered minor because there was no loud sound. However, there was a 4-kilometer high smoke with ash coming from the mouth of the volcano went to the direction of the town of La Carlota City. In La Castellana, there is no ash fall, and since the evacuees are still here, everyone is safe,” pahayag ni Fr. Enar sa panayam ng Radyo Veritas.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagsimula ang pagputok ng Kanlaon alas-5:51 ng umaga, kahapon, at tumagal ng halos isang oras.
Tinatayang umabot sa 4,000 metro ang taas ng ibinugang makapal na usok na kumalat sa direksyong timog-kanluran.
Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, na nangangahulugang may mataas na posibilidad ng mapanganib na pagsabog.