253 total views
Patuloy pa rin ang pasasalamat ng mga biktima ng Bagyong Nona sa Calapan Oriental Mindoro, isang taon na ang nakalilipas.
Binalikan naman ng Apostolic Vicariate of Calapan Oriental Mindoro ang naging pinsala ng bagyong Nona sa lalawigan sa unang anibersaryo nito.
Ayon kay Fr. Edgar Fabic, Social Action Director ng nasabing lalawigan, ngayong araw ay katuwang nila ang mga kinatawan mula sa NASSA-Caritas Philippines at Caritas Germany upang alamin ang mga pagbabago sa mga naapektuhan sa pamamagitan ng mga ginawa nilang programa.
Sinabi ni Fr. Fabic, ang Caritas Philippines at Caritas Germany ang nanguna sa pangangasiwa ng mga proyektong pabahay, livelihood, sanitation at Capacity Building.
Pinasalamatan din ni Fr. Fabic ang Caritas Manila na isa sa mga unang tumugon sa kanilang pangangailangan lalo na sa rehabilitasyon gaya ng mga gamit sa pagpapatayo ng mga bahay.
Naniniwala ang Pari na ang karanasan na kanilang natutunan mula sa bagyong Nona ay magsisilbing gabay upang magkaroon sila ng mas sapat na kahandaan lalo na sa mga posible pang maganap na kalamidad.
“Reflection po kami today sponsored ng CBCP-NASSA sa naging project through Caritas Germany. Kasama po namin today ang team at mga partner beneficiaries for evaluation. Project covers shelter, livelihood, sanitation and capacity building Help through other funders like Caritas Manila also was a big help for the beneficiaries in barangays of Baco town in terms of materials for partially damaged houses. Sharing of experiences will help us in the provincial level to improve our strategies in the future,” mensahe ni Fr. Fabic sa Radio Veritas.
Mahigit 168,000 kabahayan ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Nona kung saan 42 ang naitalang nasawi.
Agad namang tumugon ang Simbahang Katolika sa mga diocese na naapektuhan ng bagyo sa pamamagitan ng paggamit ng pondo mula sa Alay Kapwa kung saan umabot sa halagang P3.6 milyon ang paunang inilabas.