307 total views
June 19, 2020-10:27am
Nagpahayag ng pagbati si Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo sa lahat ng mga ama ng tahanan para sa pagdiriwang ng Fathers’ Day.
Ayon sa obispo, kasabay din nito ang panawagan para sa lahat na ipagdasal at maging katuwang ng bawat isa ang mga Ama sa kanilang tungkulin sa pamilya.
“Panawagan din sa mga Tatay na sana sundin natin ang pagiging Ama ng Diyos na talagang siya ay nagsisikap na pangalagaan ang Kanyang mga anak. Ganundin po yung mga Tatay sana ganun din tayo, we reflect the fatherhood of God,” ayon kay Bishop Pabillo.
Hiling naman ng obispo sa bawat Tatay na pagnilayan at sundin ang pagiging Ama ng Diyos sa pagsisikap na pangalagaan at paglingkuran ang Kaniyang mga anak.
Ayon naman kay Sorosogon Bishop-emeritus Arturo Bastes, bagama’t ito ay payak na pagbati lamang ay magbibigay ito ng kalakasan at pag-asa sa bawat ama ng tahanan na nahaharap sa pagsubok dahil sa krisis na dulot ng novel coronavirus.
“We must pray for our Tatays’. Sunday is Fathers’ Day!,” ayon sa obispo.
Sa kasalukuyan bagama’t umiiral ang mas maluwag na panuntunan maraming mga manggagagawa pa rin ang hindi nakakapagtrabaho habang ang ilan naman ay hindi nakakauwi ng tahanan dahil sa mahirap na paraan ng transportasyon.
Ayon sa obispo, bilang ama ng tahanan at tagapagtaguyod ng pamilya, marami ang kasalukuyang hindi nakakapagtrabaho dahil sa community quarantine habang ang ilan naman ay wala nang trabahong babalikan.
Sa Linggo ika-21 ng Hunyo ay ipagdiriwang ang Fathers’ Day o tuwing ikatlong Linggo ng Hunyo.
Hinikayat ng kaniyang kabanalan Francisco ang lahat ng mga mananampalataya na ipanalangin ang mga pari.
Ito ay kaugnay na rin ng pagdiriwang ng Fathers’ Day sa Linggo at ang pagdiriwang ng simbahan ngayong Biyernes ang Feast of the Sacred Heart at ang World day of Prayer for the Sanctification of Priests.
Ayon kay Pope Francis mahalagang ipanalangin ang mga pari para sa kanilang kalakasan at pagiging tapat sa piniling bokasyon na paglilingkod sa kawan ng Diyos.
Sa pamamagitan ng panalangin ng sambayanan, nawa ayon kay Pope Francis na ang bawat lingkod ng simbahan ay patuloy na magsilbi na may kasiyahan at katapatan.
Sa Pilipinas, tinatayang may higit sa 10-libo ang kabuuang bilang ng mga pari kabilang na rito ang mga religious priest ng iba’t ibang kongregasyon.