5,768 total views
Iginiit ni Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio sa idinaraos na Apostolat Militaire International (AMI) 2025 Conference ang higit na pagpapahalaga sa buhay at pagwawaksi sa anumang uri ng “dehumanization.”
Ito pagninilay ni Bishop Florencio sa misang inialay para sa AMI 2025 Conference na ginanap sa Shrine of St. Thérèse of the Child Jesus sa Pasay City.
Hinikayat ni Bishop Florencio ang 47 international at 24-delegates na mga military Chaplains, Bishops, personnel at lay people sa ika-60 taong anibersaryo ng AMI na may temang “AMI @60 in the 2025 Jubilee Year: Strengthening Christian Values within the Armed Forces Worldwide through Biblical leadership, building bridges and increased resilience,”na lalu pang kalingain ang kapwa at isulong ang pagkakapatiran sa lipunan.
“So paano tayo nade-dehumanize ng ating enemies? Dahil tayo ay marupok, walang pasensya, walang pagpapatawad. Kailangan natin ng spirituality—at ang spirituality ay dapat nakaugat sa salita ng Diyos. Kung mayroon tayong malalim na pananampalataya, hindi natin masasabi na ang isang tao ay secondary o mas mababa kaysa sa atin,” pahayag ng Obispo sa panayam ng Radyo Veritas.
Ibinahagi ni Bishop Florencio na sadyang pinili ang Shrine of St.Thérèse bilang lugar ng misa upang hilingin ang paggabay ng Santo sa buong pagdaraos ng AMI 2025.
“Minarapat kong andito kami dahil hihingi din kami ng intercession ng ating minamahal na Patrona, si Santa Teresita ng Batang Hesus. Ang mensahe ko ay simple: ang salita ng Diyos ay hindi lang dapat pakinggan kundi isabuhay. Katulad ni Ezra, tayo rin ay dapat maging tapat sa kautusan ng Diyos—ito ang mahalaga para sa AMI, lalo na sa mga military personnel at kanilang mga pamilya, upang malabanan ang dehumanization,” dagdag ng Obispo.
Ito ang ikatlong pagkakataon na idinaos ang AMI Conference sa Pilipinas—una noong 1997, ikalawa noong 2011, at ngayong 2025.






