168 total views
Nagpahatid ng pagnanais na tumulong at patuloy na pagdarasal ang mga pari ng Mindanao sa hostage crisis ngayon sa Marawi.
Ayon kay Rev. Fr. Ariel Destora, Social Action Director ng Diocese of Marbel, handa silang tumulong sa mga sibilyan na apektado ng kaguluhan habang nananawagan din ito sa mga mamamayan na makipag-ugnayan sa mga otoridad at maging mapagmatiyag kasabay ng pagpapatupad ng Martial Law sa rehiyon.
“Sa atin pong mga kapatid sa Marawi, kasama po kayo sa aming mga panalangin lalo na ngayong panahon ng pagsubok, kahirapan at kaguluhan. We are willing to extend our help in whatever form sa abot po ng aming makakaya. At ngayon po na idineklara ang Martial Law sa buong Mindanao, ang lahat po sana ay patuloy sa pagdasal, to remain calm and be vigilant ang to cooperate with the authorities.” Mensahe ni Fr. Destora sa Radyo Veritas.
Ganito rin ang mensahe ni Rev. Fr.Franklyn Costan, Social Action Director ng Prealtura ng Isabela de Basilan.
Ayon kay Father Costan, kailangan maging mapagmatiyag ang publiko upang hindi maabuso ang pagpapatupad ng Martial Law sa rehiyon.
“As Martial Law is declared in Mindanao, we have to abide to restore the law and order in the land but we have to be very vigilant to avoid abuses. To the People of Marawi both Muslims and Christians the Prelature of Basilan is one with you in prayers.” Pahayag ni Fr. Costan.
Samantala aminado naman si Rev. Fr. Emerson Luego, Social Action Director ng Diocese of Tagum na mahigpit ngayon ang ipinatutupad na seguridad partikular na sa Davao City kaya’t umiiwas muna ang mga residente sa paglabas ng kanilang mga bahay.
Tiniyak ni Fr. Luego na nakahanda ang Diocese of Tagum na makipagtulungan sa Caritas Manila at Radyo Veritas sa oras na magsagawa ng relief response para sa mga apektadong sibiliyan.
Tinatayang nasa 20 mga Dioceses at 1 Apostolic Vicariate ng Simbahang Katolika ang bumubuo sa rehiyon ng Mindanao.