223 total views
Pinuri ni Father Edwin Gariguez, Executive Secretary ng CBCP-NASSA Caritas Philippines ang on-going na mining audit ng Department of Environment and Natural Resources.
Ayon sa pari, matagal nang dapat nasuspende ang operasyon ng unang pitong minahan kung nakita lamang ng naunang administrasyon ang malubhang pinsala na idinulot nito sa kalikasan.
“Yung mga sinuspinde ay matagal nang dapat nasuspinde! Dati sa nakaraang administrasyon mas pinapanigan yung mga kumpanya, mga korporasyon at hindi namin naramdaman na yung pamahalaan ay nakinig o nakisimpatya man lang sa damdamin ng mga taong naapektuhan ng minahan.”pahayag ni Father Gariguez sa Radio Veritas.
Dahil dito, positibo ang pananaw ni Father Gariguez sa slogan ng Duterte administation na change is coming sa bahagi ng usaping pang kalikasan.
“Tayo nga ay isa sa mga ikinatutuwa natin sa bagong administrasyon ay itong mga desisyon na ito ng DENR ay nag papakita na yung kanilang sinasabing change is coming ay totoong nangyayari,”paglilinaw ni Father Gariguez.
Una nang nagpahayag ng matibay na paninindigan si President Rodrigo Duterte na hindi nito papayagan ang mapansamantalang mga negosyo na nagpapahirap sa lipunan.
Ayon pa sa pangulo, hindi nito kailangan ang 40 bilyong pisong kita mula sa mga mining firm sa bansa kung ang kapalit naman nito ay ang malawak na pagkasira ng kalikasan.
Sa kasalukuyan, pitong minahan na ang pansamantalang ipinatigil ang operasyon habang nasa ilalim ito ng suspension order ng DENR na kinabibilangan ng Benguet Corp. Nickel Mines Incorporated, Eramen Minerals Incorporated, LNL Archipelago Minerals Incorporated, at Zambales Diversified Metals Corporation sa bayan ng Sta. Cruz Zambales, Berong Nickel sa Palawan at dalawang mining sites ng Citinickel sa Española at Narra Palawan.
Sang-ayon sa Laudato Si ng Kanyang kabanalan Francisco, importanteng laging isaalang-alang ang common good o ang makabubuti para sa lahat habang kasabay ring napoprotektahan ang kalikasan.