4,625 total views
Mga Kapanalig, kasabay ng panahon ng Kapaskuhan ay ang taun-taong Christmas rush na nagdudulot ng napakatinding trapiko. Naranasan ba ninyo ito nitong mga nakaraang araw?
“Carmaggedon” ang tawag sa pagdagsa ng mga sasakyan sa mga lansangan na dahilan naman ng ilang oras na pagkakaipit ng maraming mananakay sa trapiko. Isang nakikitang solusyon ng Metropolitan Manila Development Authority (o MMDA) sa taun-taong problemang ito ang paghimok sa mga shopping malls na itigil ang kanilang mall-wide sales sa mga araw na may pasok pa sa trabaho at paaralan. Pinagsusumite rin sila ng traffic management plan para sa weekend sales. Umani ito ng batikos mula sa mga netizens. Sa halip daw na pagtuunan ng pansin ang pampublikong transportasyon, pinagdidiskitahan ng MMDA ang mga shopping malls.
Naging mainit naman sa mata ng Land Transportation Authority (o LTO) ang mga e-bike at e-trike sa mga pangunahing kalsada. Iniutos nito ang pag-impound sa mga sasakyang ito para mabawasan umano ang mga aksidente sa lansangan. May mga sumang-ayon dahil takaw-disgrasya raw ang mga ito. May mga tumutol dahil wala raw konsultasyon. Hinahadlangan din daw ng LTO ang pag-usbong ng mga alternatibong mode of transport na mas inklusibo, sustenable, at abot-kaya. Ipinunto ding labag ang utos na ito ng LTO sa Electric Vehicle Industry Development Act (o EVIDA), na nagsusulong ng pagbibigay-daan sa mga light electric vehicles (o LEV) katulad ng mga e-bike. Makalipas ang ilang araw, binawi ng LTO ang utos. Sa bagong taon na lang daw ito ipatutupad.
Mayroon tayong tinatawag na freedom of movement o kalayaang bumiyahe at maglakbay. Napakahalaga nito sa pag-access ng mga batayang karapatan gaya ng trabaho, edukasyon, kalusugan, pakikilahok sa lipunan, at pagkakaroon ng disenteng pamumuhay. Kaya naman, mahalagang natatamasa rin natin ang inclusive mobility kung saan accessible, abot-kaya, at ligtas ang paglalakbay para sa lahat.
Pero nakadidismayang hanggang ngayon ay nakaugat pa rin sa kulturang car-centric ang pangangasiwa ng transportasyon sa Pilipinas. Bakit ‘ka n’yo? Ang laging solusyon ng gobyerno sa problema ng trapik ay ang pagtatayo o pagpapalapad ng mga kalsada para sa mga sasakyang de-motor. Maraming bike lanes din ang tinatanggal dahil sagabal sa mga sasakyan ang tingin sa mga ito. Tapos, heto pa ang planong ipagbawal ang mga e-bike at e-trike.
Sa usapin ng sustainable transport at inclusive mobility, madalas nating naririnig ang panawagang “move people, not cars.” Ibig sabihin, mga tao ang dapat pinagagalaw ng pagpaplano at pangangasiwa ng transport system, hindi ang mga sasakyan. Napakahalagang ayusin at paunlarin ang iba’t ibang pambulikong transportasyon katulad ng tren, bus, at jeepney. Mahalaga ring paunlarin ang imprastruktura para sa paglalakad, pagbibisikleta, at paggamit ng LEVs na mas inklusibo at abot-kaya. Ginagamit ito ng mga delivery riders, mga nanay na namamalengke at naghahatid ng anak sa paaralan, at mga may kapansanan o may edad na hirap na hirap bumihaye kahit gamit ang pampublikong transportasyon.
Kumpara sa mga sasakyan at motorsiklong nagbubuga ng usok na nagpapalala sa polusyon at sa climate crisis, ang paglalakad at paggamit ng mass transport, bisikleta, at LEVs ay ‘di hamak na mas makakalikasang pamamaraan ng paglalakbay. Kaya naman, dapat lang na gawing prayoridad ng gobyerno ang pagpapaunlad sa imprastruktura para sa paglalakad, pagbibisikleta, at paggamit ng LEVs. Turo nga sa Catholic social teaching na Laudato Si’, ang pag-iisip na nagsasantabi sa kapaligiran ay kapareho sa pag-iisip na nagsasantabi sa mga pinakamahihina sa lipunan. Ang pagkiling sa sasakyang de-motor ay pagtalikod sa kalikasan at mahihirap.
Mga Kapanalig, ipinapaalala sa atin ng Mga Kawikaan 15:22 na ang mga planong padalus-dalos at walang konsultasyon ay hindi magiging epektibo. Kaya panawagan natin sa mga lingkod-bayan: “Move people, not cars.”
Sumainyo ang katotohanan.




