159 total views
Inamin ng Office for the Promotion of the New Evangelization na malaki ang hamon sa simbahan at mananampalatayang Katoliko ang muling pagpapaigting ng pananampalataya ng mga Filipino.
Ayon kay Fr. Jason Laguerta, director of the Office for the Promotion of the New Evangelization ito ang layunin ng isasagawang 3-day Philippine Conference on New Evangelization (PCNE4) sa University of Santo Tomas na gaganapin July 28-30.
Kabilang na dito ay ang pagbaba ng bilang ng mga nagsisimba na base sa pag-aaral ng isang survey firm noong 1991 lumalabas na 61 percent ng mga Filipino ang nagsisimba tuwing lingo, subalit sa unang bahagi 2017 ay bumaba ito sa 41 percent.
“So ang laki ng pagkakaiba in 25 years, nanduon ang hamon kasi nga ang mga tao ngayon maraming hinahanap na minsan hindi nila makita sa simbahan. So ang hamon sa lahat ay kung paano natin ihahain ulit at ipakilala ulit ang pananampalataya sa tao,” ayon kay Fr. Laguerta sa panayam ng Radio Veritas.
Ang Pilipinas ay may 100 milyong populasyon kung saan higit sa 80 porsiyento ay mga katoliko.
Naniniwala ang pari na ang pagtitipon-tipon ay isang simula para muling manariwa sa bawat isa ang ating pananampalataya lalu’t maraming mga gumagambala sa bawat isa tulad ng internet, migration at ang kahirapan.
“Marami na kasing kumplikasyon sa buhay, nandyan ang internet, kahirapan sa buhay, mga karahasan, problema sa migration kaya ito ang mga bagong sitwasyon kaya ang tawag nga e new evangelization. New evangelization kasi hindi naman bago yung ebanghelyo, kasi yung ebanghelyo si Kristo pa rin yun. Kaya kailangan nating humanap ng paraan na maipakilala sya sa mga modernong tao sa panahon natin ngayon,” dagdag pa ni Fr. Laguerta.
Sa huling tala, higit na sa anim na libo ang bilang ng mga pari, layko ang dadalo sa PCNE.
Paliwanag pa ng pari, layunin din ng PCNE na maiparamdam sa mga dadalo sa pagtitipon kung gaano kasarap at mabuhay bilang isang simbahan, isang pamayanan kasama si kristo at nagmimisyon ng sama-sama.
Pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagbubukas ng PCNE4 sa University of Sto.Tomas bukas ika-28 ng Hulyo 2017.