228 total views
Kapanalig, marami sa ating mga Pilipino ang hindi pa masyadong maalam ukol sa financial literacy. Isang manipestasyon nito ay ang pagiging one-day millionaire ng marami sa atin, ang mababang antas ng savings, at ang dami ng may utang sa ating mga komunidad.
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank noong 2015 (Enhancing Financial Capability and Inclusion in the Philippines), ang mga bahagi ng ating populasyon na hirap makaunawa sa mga batayang financial concepts ay yaong hindi nakapag-impok noong bata, ang mga hindi puno o head ng kabahayan, at mga lalaki.
Nakita rin ng pagsusuri na ito na mas kaunti pa sa one fourth o less than a quarter ng may edad 60 pababa ang may sapat na probisyon para sa kanilang pagtanda habang ang mga mas batang henerasyon ay mas hirap na i-manage o pamahalaan ang kanilang pang-araw araw na gastusin.
Ayon pa nga sa survey ng isang pribadong kumpanya (Mastercard) noong 2016, bumaba ang ating score at ranking sa kanilang financial literacy index. Ayon sa survey, nasa pang sampu tayo pagdating sa basic money management. Kasama ng konsepto na ito ang pagbu-budget, pag-iimpok, at responsableng pangungutang. Pang-11 naman tayo pagdating sa financial planning at abilidad sa pag-gawa ng long-term na plano para sa ating mga pampinansyal na pangangailangan. Ang mga adults na may edad 30 pababa naman ay mas kulang ang kaalaman pagdating sa financial literacy kumpara sa mga may edad 30 pataas.
Ano nga ba ang ating kailangang gawin upang maitaas ang antas ng financial literacy sa ating bansa?
Ang Department of Education ay may isang paraan upang maitaas ang kamalayan ng mga Pilipino pagdating sa mga financial concepts. Ito ay bahagi ng mga stratehiya ng National Strategy for Financial Inclusion (NSFI) steering committee. Sinasali na ngayon ang financial education at consumer protection sa k-12 curriculum. Magkakaroon din ng training program ukol sa financial literacy para mga guro. Mayroon ding pagsasanay ukol sa financial inclusion mechanisms para sa estudyante at paaralan sa mga urban and remote rural areas.
Kapanalig, hindi lamang simpleng pagsasanay ang bigay ng mga ganitong programa. Pag-asa ang dala nito. Tunay na pagbabago ang maidudulot nito. Sa pagsasanay sa mga bata, masisiguro natin na magiging mas maayos ang pamamahala ng pera hindi lamang sa pamahalaan, kundi mismo sa mga tahanan, balang araw. Ang pagbabagong ito ay magdudulot ng kabutihan ng balana.
Kaya nga’t umaasa rin tayo na magiging ningas ng pagbabago ang mga mag-aaral na ito sa darating na panahon. Ayon nga sa Justicia in Mundo: Lahat tayong nananalig ay may karapatan at obligasyon na isulong ang kabutihan ng balana. Tayo dapat ay maging “leaven” o lebadura – sa mundo, sa ating pamilya, sa ating lipunan.