48,297 total views
Mga Kapanalig, bago ang eleksyon, may trahedyang naganap sa Ninoy Aquino International Airport.
Dalawa ang namatay at apat ang nasugatan matapos araruhin ng isang SUV ang mga taong nasa entrance ng departure area ng NAIA Terminal 1. Isa sa kanila ay limang taong gulang na batang babae. Kasama siya sa mga naghatid sa kanyang tatay na OFW. Nakadudurog ng puso ang pangyayari; ang departure area ay lugar para masulyapan ang kapamilyang pansamantalang mawawalay, hindi isang lugar para tuluyang hindi na magkita. Binawian din ng buhay ang isang magtetrenta anyos na lalaking pupunta lang sa Dubai para sa isang business trip. Siya ang breadwinner o pangunahing tagapagtaguyod ng kanyang pamilya. Ipagdiriwang sana niya ang kanyang kaarawan sa katapusan ng Mayo.
Hindi mawawala nang walang saysay ang buhay ng dalawang biktima kung naging matibay lamang ang mga safety bollards o mabababang posteng bakal na magsisilbing harang sa mga sasakyan. Walong milyong piso ang ginastos ng Department of Transportation (o DOTR) para ipalagay ang mga posteng ito noong 2019.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na mababaw ang pagkakabaon ng mga safety bollards. Nagmistulang pang-display lang ang mga ito, sabi nga ng isang engineer at online personality. Kung mababaw ito, mukhang may nagtipid, mukhang may nagmadali, mukhang may nagbulsa ng pondo. Walang namatay dahil sa reckless driving, sabi ng nagkomento. Namatay sila dahil nabigo ang mga safety bollards na protektahan sila. May mga paliwanag namang hindi talaga kakayaning ibaón ang mga bollards dahil nasa ilalim nito ang arrival area. Tatagos daw sa baba ang mga bakal kung lalaliman ang pagbaón sa mga ito.
Sa ilalim ng bagong pamunuan ng paliparan na New NAIA Infrastracture Corporation, io-audit ang mga bollards sa lahat ng terminals at babaguhin ang disenyo ng mga ito. Kung mapatunayang may pagkukulang ang kompanyang kinuha para sa proyektong ito at kung lilitaw na hindi ito naging tapat sa paggastos nito ng pondo, magiging patunay ito na nakamamatay ang kurapsyon.
Hindi na maibabalik ng anumang imbestigasyon ang buhay ng mga biktima ng trahedya sa NAIA, pero may mga buhay na maaari pang maisalba kung maitatama ang mga mali sa ating paliparan. Hakbang din ito para mapanagot sa batas ang mga tao—nasa gobyerno man o nasa pribadong kompanya—na nagdulot ng perwisyo at ng pagkawala ng buhay ang kanilang baluktot na gawain. Hakbang ito para naman makita nating may pag-asa pang mawala ang kultura ng kurapsyon. Sabi nga ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Laudato Si’, kung ang ating kultura ay tiwali at hindi na pinahahalagahan ang totoo at tama, ang mga batas at panuntunan ay nagmimistulang suhestyon lamang o mga harang na dapat iwasan. Sa kaso ng mga palpak na bollards sa NAIA, makikita natin kung paanong isinantabi ang mga panuntunan para sa wastong paglalagay ng mga ito.
Nabuksan sana ng nangyaring aksidente sa NAIA ang ating mga mata tungkol sa kahalagahan ng tamang pagtatayo ng mga imprastraktura. Sana matibay ang pagkakatayo ng mga poste ng ilaw sa mga lansangan. Sana matatag ang mga footbridge na ginagamit natin para tumawid. Sana ligtas ang mga bangketa at waiting sheds sa mga pampublikong lugar. Sana walang nakahambalang sa mga bike lanes. Sana kumpleto pa ang mga concrete barriers sa mga highway.
Mga Kapanalig, hindi talaga natin malalaman kung kailan at paano babawiin ng Diyos ang buhay na ipinahiram niya sa atin. Pero hindi ito dahilan para hindi na tayo gumawa ng mga paraan para maging ligtas ang ating buhay. Kasamaan ang katiwalian, at huwag tayong maging “alipin ng kasamaan”, sabi nga sa 2 Pedro 2:19, lalo na kung ang kapalit ng pagkagahaman sa salapi ay mga inosenteng buhay.
Sumainyo ang katotohanan.