5,458 total views
Muling ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang kagustuhan na magkaroon ng pagkakasundo sa pagitan niya at ng pamilyang Duterte, sa kabila ng mga lumalalang tensyon sa pulitika.
Ayon sa Pangulo, mas nais niyang pairalin ang pagkakasundo kaysa alitan. Iginiit niya na wala siyang interes sa pagkakaroon ng dagdag na kaaway sa pulitika, at mas pinahahalagahan niya ang pagkakaroon ng mga kaalyado.
“Ayoko ng gulo. Gusto ko makasundo sa lahat ng tao. Mas maganda. Marami na akong kaaway. Hindi ko kailangan ng kaaway, kailangan ko kaibigan,” ayon sa pahayag ng Pangulo sa isang podcast interview.
Sa gitna ng mga isyu at hidwaan, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng katatagan at kapayapaan sa bansa. Ayon pa kay Pangulong Marcos, ang isang maayos na kapaligiran ang susi upang epektibong maipatupad ang mga plano at programa ng pamahalaan.
Sinabi rin niya na bukas siya sa anumang hakbangin para maibsan ang alitan sa pagitan ng magkakaibang panig sa pulitika.
Binigyan diin pa ni Marcos Jr. na handa siyang makipagtulungan kahit sa mga hindi niya kaalyado sa mga polisiya, basta’t maiwasan lamang ang gulo at pagkakawatak-watak.
“Hanggat maaari, ang habol ko ‘yung stability, peaceful, para magawa namin ang trabaho namin. Lagi akong bukas sa ganiyan. I’m always open to any approach,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.
Nanawagan siya sa lahat ng lider na pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng bansa, sa halip na magpatuloy sa bangayan. Aniya, kahit may pagkakaiba-iba sa paniniwala at pamamaraan, mas mainam na magtulungan para sa ikabubuti ng sambayanang Pilipino.