261 total views
Mga Kapanalig, isang magandang kaganapan ang napabalitang pagpapanumbalik ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng National Democratic Front na kaalyado ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng New People’s Army. Matapos na suspindihin ang pag-uusap noong Pebrero dahil sa mga palitan ng akusasyong may mga paglabag sa kasunduan ng tigil putukan ang bawat isa, nagkasundo ang magkabilang panig na muling buksan ang peace talks at magtakda ang bawat panig ng unilateral ceasefire bago idaos ang pang-apat na “round of talks” sa Abril. Ibig sabihin, maaring asahan ng taumbayan ang deklarasyon ng panibagong tigil-putukan sa darating na mga araw.
Ang paggamit ng mapayapang paraan ng paglutas ng mga tunggalian ay isa sa mga mahahalagang turo ng ating Simbahan. Masama ang karahasan; hindi ito katanggap-tanggap bilang solusyon sa anumang suliranin; ito ay isang malaking kasinungalingan sapagkat nilalabag nito ang katotohanan ng dangal ng tao. Ang pakikipaglaban ng Partido Komunista ng Pilipinas sa pamahalaan ay tinuturing na pinakamatagal na communist insurgency sa buong mundo. Kung ang labanang ito ay mawawakasan sa pamamagitan ng pag-uusap, at hindi sa marahas na digmaang kikitil ng maraming buhay, ito ay magiging isang makasaysayang tagumpay ng sambayanang Pilipinong ipagbubunyi ng buong mundo at ng Simbahang Katolika.
Sa pagtahak ng landas na ito ng kapayapaan, mga Kapanalig, marami pang kailangang bunuin at pagkasunduan ang magkabilang panig. Maraming usapin ang masalimuot at mangangailangan ng ibayong kabukasan mula sa bawat panig upang mabago ang mga dating posisyon. Halimbawa, hinihiling ng pamahalaang itigil ng CPP-NPA-NDF ang pangongolekta ng “revolutionary taxes” bilang kondisyon sa pagtatakda nito ng tigil-putukan. Ngunit naninindigan ang CPP-NPA-NDF na sa ilang lugar sa kanayunan ay tumatayo sila bilang isang pulitikal na awtoridad na kapantay ng gobyerno, at dahil ditto, sila raw ay may karapatang mangolekta ng buwis at gamitin ito para sa mga serbisyo nila sa mga tao. Sa panig naman ng pamahalaan, ang di-umanong pamimilit at pananakot na ginagawa ng kilusan sa pangongolekta ng buwis ay hindi katanggap-tanggap.
Isa pang nagiging dahilan ng pagkabalam ng pagdedeklara ng tigil-putukan ay ang patuloy na opensiba ng parehong panig laban sa isa’t isa. Nagpapalitan ng akusasyon ang magkabilang panig na may mga ginagawa ang bawat isa na mga “hostile acts” o mga pagkilos na nakapagpapagalit. Sinasabi ng rebeldeng grupong tinuturing nito na “hostile act” ang pag-okupa ng mga pwersang militar sa mga eskwelehan at barangay hall sa ilang mga lugar sa kanayunan upang gamitin sila bilang base ng mga operasyong militar. Sa bahagi naman ng militar, bahagi raw ito ng kanilang tungkuling panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa kanayunan.
Sa gitna ng palitan ng mga akusasyon, tila walang naririnig mula sa mga taong higit na apektado ng kaguluhan at karahasang dulot ng digmaan. Habang inaayos ang tigil-putukan upang makapag-usap nang masinsinan ang dalawang panig, higit na kailangang marinig ang boses ng taumbayan. Ano ang masasabi ng taumbayan tungkol sa revolutionary taxes ng NPA? Ano rin ang masasabi nila tungkol sa pag-okupa ng militar sa mga paaralan at barangay hall? Ang mga tao ang dapat marinig at dapat pakinggan ng magkabilang-panig.
Sa paglawig ng usapang pangkapayapaan sa Abril, kung saan pag-uusapan ang mga repormang panlipunan at pang-ekonomiya ipapaloob sa Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms (o ang tinatawag na CASER), higit pang kakailanganin ang malakas na tinig ng taumbayan, ang mga organisadong batayang sektor ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, mga katutubo, at mga maralitang tagalunsod. Kailangang maging bahagi ang tinig nila sa gaganaping mga pag-uusap sa CASER. Hindi man sila bahagi ng peace panels, kailangan silang magsalita upang isulong ang interes ng taumbayan at tiyaking mananatili tayo sa landas ng kapayapaan.
Sumainyo ang katotohanan.