455 total views
Iminungkahi ng Obispo ng Mindanao ang tamang paglalaan ng pondo sa isinumiteng pambansang budget ng administrasyong Duterte sa taong 2017 lalo na sa ikauunlad ng Mindanao.
Ayon kay Diocese of Malaybalay, Bukidnon Bishop Jose Araneta Cabantan, mahalagang magamit ang naturang pondo sa usaping pangkapayaan sa rehiyon na sasabayan ng pag – sugpo sa kahirapan lalo na ng mga katutubo tulad ng Lumads.
“First is the problem of peace here in Mindanao, siguro tugunan yung problem about peace and development ng Mindanao. In terms of development siguro papasok diyan ang poverty alleviation with the continuing problem of the tribe people here and all people lalo na sa IPs or sa Bangsamoro na area,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cabantan sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinabi rin ni Bishop Cabantan na dapat na ring tapusin ang ilang imprastraktura na nakabinbin pa rin lalo na ang mga farm – to market roads na mag – eendorso ng mga produkto ng mga magsasaka.
Ipinunto rin nito ang paglikha ng edukasyon ng mga kabataan sa paglikha ng kanilang kabuhayan.
“Second, itong mga infrastructure projects na on – going right now, we really appeal now for new roads across different provinces.
Makatulong ito sa trade and then sa farm travel and then not only that at roads going to the farms sa ating mga farmers yung ‘farm to market roads’ to help them in marketing their products. Then para sa programa sa youth in terms sa education sa livelihood and livelihood training,” giit pa ni Bishop Cabantan sa Radyo Veritas.
Nabatid na mula sa proposed national budget sa taong 2017 na P3.35 trillion pesos na mas mataas ng 11 porsyento mula sa kasalukuyang budget na P3 trilyong piso.
Mula sa nabanggit na budget sa taong 2017 ay naglaan din ng P31.5 bilyon para sa mga proyekto sa Mindanao sa susunod na taon, mas mataas kumpara sa P19.5 bilyon ngayong 2016.
Nauna na ring binanggit ni Pope Francis sa United Nations na laging gamitin ang pondo ng bayan sa ikauunlad ng pamumuhay ng taumbayan.






