236,617 total views
Mga Kapanalig, Happy National Women’s Month!
Sa darating na Biyernes, March 8, ipagdiriwang ang International Women’s Day na may temang “Invest in women: Accelerate progress”. Dito naman sa atin, ang Marso ay National Women’s Month at ang tema ng pagdiriwang nito ay “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas; Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan!”. Layunin ng selebrasyong ito na isulong ang pagkakaroon ng tinatawag na enabling environment upang maging patas ang mga oportunidad para sa kababaihan tungo sa isang lipunang maunlad at walang naiiwan.
Ngayon din ang ika-15 taon mula nang isabatas ang Magna Carta of Women at ika-20 taon ng Anti-Violence Against Women and Children Act. Mahabang panahon na ang lumipas mula noong isinabatas ang mga ito ngunit marami pa ring babae ang nakararanas ng iba’t ibang anyo ng diskriminasyon at pang-aabuso. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (o PSA), mahigit 10,000 na babaeng edad 15 hanggang 49 ang nakaranas ng pisikal o sekswal na pang-aabuso noong 2022. Hindi pa kabilang dito ang mga kasong hindi nai-report, at ang mga nakaranas ng ibang paraan ng karahasan, gaya ng pinansyal at emosyonal na pang-aabuso.
Kasama sa mga biktima ng pang-aabuso ang mga kababayan nating OFW. Patuloy na nananawagan ng katarungan ang pamilya ng babaeng OFW na si Jullebee Ranara na ginahasa at pinatay ng anak ng kanyang amo noong 2023. Kuwento ng isa sa mga kapatid niya, si Jullebee ang sumuporta sa kanya upang makapagtapos ng pag-aaral. Ang pagkamatay daw ni Jullebee ay nag-iwan ng mga obligasyong kailangang saluhin ng kanyang pamilya.
Sa ulat ng PSA, mahigit isang milyon na ang Pilipinang OFW noong 2021, higit na mas marami sa pitong-daang libong lalaking nasa ibayong-dapat at nagtatrabaho. Karamihan sa kanila ay nasa Saudi Arabia. Sabi ng Department of Migrant Workers, sa mga kaso ng pang-aabusong gawa ng mga employer sa Gitnang Silangan at karatig bansa, 75% o 18,002 na kaso ay mga Pilipinang OFW ang biktima. Nakalulungkot isiping patuloy ang pangingibang-bansa ng marami sa ating mga kababayang babae upang matustusan ang pangangailangan nila at ng kanilang pamilya, kahit pa maaaring malagay sa panganib ang kanilang buhay.
Sang-ayon sa mga tema ng mga selebrasyon ngayong buwan, kasama sa pag-invest at pagkakaroon ng lipunang patas at inklusibo para sa mga babae ang pagkakaroon nila ng kabuhayang makatao, sapat, at ligtas. Hindi na sana sila napipilitang makipagsapalaran sa ibang bansa kahit maaari silang mapahamak o hindi na muli makauwi.
Malalaki pa rin ang mga hamon sa pagkilala sa mga karapatan at pagbibigay ng mga makataong oportunidad para sa kababaihan dito sa ating bansa. Sabi sa Mga Kawikaan 16:11, “Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan,” walang mas matimbang kaysa sa iba. Sinabi pa noon ni Pope John Paul II na ang papel ng mga babae sa pagharap sa mga isyu ng lipunan ay lalong magiging ganap at importante sa paglipas ng panahon. Mahalagang magkaroon ng “real equality” upang magampanan ng mga babae ang kanilang papel sa ating lipunan
Mga Kapanalig, dapat bigyang-pansin at pahalagahan ang kakayanan ng kababaihan, ngunit huwag sanang magtapos sa mga selebrasyon ngayong buwan ang pagtulak natin sa pagkakapantay-pantay, pagsuporta, at pagbubukas ng mga oportunidad para sa kanila.
Sumainyo ang katotohanan.