269 total views
Kapanalig, buhay na buhay ang sari–saring merkado sa ating bayan. Ayon nga sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2015, 900,914 ang mga establisimiyento sa ating bayan, 99.5% o 896,839 nito ay mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs). Ang natitirang 0.5% (4,075) ay mga malalaking negosyo.
Hindi ba’t makikita rito na malakas pa rin ang pwersa ng maliit? Ang backbone ng pamumuhunan sa bayan ay ang MSMEs. 61.% ng trabaho sa bansa noong 2015 ay nagmula sa kanila. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang MSMEs ay nakapaglikha ng mga 4,784,870 na trabaho noong 2015, halos doble ng mga trabahong nalikha ng mga malaking negosyo na umabot sa 2,981,819.
Ang growth o pagsulong na ito ay kailangan nating suportahan kapanalig. Sa ating bansa, maraming hamon ang hinaharap ng mga maliitang mamumuhunan.
Ayon nga sa World Bank at Philippine Institute for Development Studies (PIDS), vulnerable ang mga MSMEs sa mga natural disasters. Kadalasan, mas apektado sila ng mga baha, bagyo at lindol, kumpara sa mga malaking negosyo. Stop business agad ang marami kapag may “natural hazards.”
Kay hirap din ng access to finance. Para sa maraming mga MSMEs, mahirap maging matibay, lalo na sa panahon ng sakuna dahil mabilis nasasaid ang pondo, tumitigil pa ang negosyo. Ang mga financial institutions naman, kaunti lamang ang financial products na nakatarget sa ganitong pangangailangan ng MSMEs.
Ayon din sa Asian Development Bank, malaking hamon din ang information, communication and technology o ICT sa MSMEs. Ang bagal ng internet service sa Pilipinas ay isang malaking balakid din. Isipin natin kapanalig, sa halip na magamit ng mga mamumuhunan ang ICT upang mamonitor nila kahit malayo sila sa pwesto ang kanilang negosyo, kay hirap magawa dahil nakasalalay ang ganitong sistema sa internet speed. Ang websites din na maari sanang maging plataporma ng online services, mahirap i-access at gamitin kung mabagal ang internet speed.
Kapanalig, ito ay ilan lamang sa mga hamon ng MSMEs sa ating bansa ngayon, ang “resiliency” at pag-gamit ng teknolohiya. Dalawa lamang ito, ngunit malaki ang kontribusyon nito upang maging sustainable ang negosyo. Ang dalawang hamon na ito ay may nakaka-yakap na mas malaking hamon: pera o financing.
Kapanalig, ang pagsuporta sa MSMEs ay pagsuporta sa tao at sa bayan. Kaya’t nararapat lamang na maging prayoridad ito ng mamamayan at ng pamahalaan. Kung susuriin mo kapanalig, ang teknolohiya at financing ay mga industriyang hawak ng mga pinakamalaking negosyo sa ating bansa. Malaking “imbalance” diba, at dapat itong ma-ampatan ng agarang lunas: polisiya kapanalig, kasama na rin ang incentives at penalties.
Ang isyung ito ay naglalahad ng pangangailangan ng solidarity sa ating bansa, ng pakikiisa. Ang Solicitudo Rei Socialis ay may butil ng aral na dapat nating pagnilayan: Tayong lahat ay iisang pamilya. Ang pagtaguyod ng isang komunidad na nagbibigay kapangyarihan sa lahat upang maabot ang kanilang kaganapan sa pamamagitan ng pagbibigay respeto sa dignidad, karapatan, at responsibilidad ng kapwa ay naglilikha ng mundong kaaya-aya para sa lahat (We are all one family in the world. Building a community that empowers everyone to attain their full potential through each of us respecting each other’s dignity, rights and responsibilities makes the world a better place to live).