360 total views
Nanawagan ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa mga hindi pa nakarehistro partikular na sa mga kabataang nasa edad 18-taong gulang sa Mayo ng susunod na taon na magparehistro upang maging isang ganap na botante.
Ayon kay PPCRV Executive Director Maria Isabel Buenaobra, maari ng magparehistro ang mga kabataang edad 18-taong gulang na pagsapit ng nakatakdang May 2022 elections.
Ipinaliwanag ni Buenaobra na dapat samantalahin ng mamamayan ang kasalukuyang voters registration upang makapagpatala bilang mga botante na magtatagal lamang hanggang sa pagtatapos ng Setyembre.
“Ang panawagan po ng PPCRV ay nanawagan po kaming hikayatin ang lahat ng mga bagong mga botante, yung mga magiging 18-years old and above sa May 2022 para magregister po kayo, ongoing na po yung registration nagsimula na uli siya from January 4 hanggang sa end of September lang po yan…” pahayag ni Buenaobra sa panayam sa Radio Veritas.
Partikular ding nanawagan si Buenaobra sa mga umuwing Overseas Filipino Workers na hindi pa kabilang sa absentee voters at inaasahang mananatili sa Pilipinas hanggang sa Mayo ng susunod na taon na magparehistro upang maging botante sa nakatakdang halalan.
Pagbabahagi ni Buenaobra, bukod sa mga kabataan na mga first time voters ay mahalaga rin ang partisipasyon ng mga OFW para sa pagluluklok ng mga bagong lider ng bansa.
“Hinihikayat namin hindi lamang yung mga kabataan na bagong registrants pero po yung mga Overseas Filipino Workers na hindi naman po talaga nakapagtala bilang absentee voters sa mga embassies in previous election at kayo po ay mananatili sa bansa sa May 2022 ay magparehistro po kayo bago mag-end ang September kung plano po ninyo na manatili sa bansa hanggang next year para po makaboto din sila…”Dagdag pa ni Buenaobra.
Iginiit ni Buenaobra na hindi dapat balewalain ng bawat Filipino ang karapatan at kapangyarihan na bumoto at maghalal ng mga opisyal ng bayan.
Batay sa pinakahuling tala ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong ika-16 ng Enero, nasa mahigit 410,000 mga OFW na ang umuwi ng Pilipinas mula ng nagsimula ang COVID-19 pandemic.
Naunang inihayag ni COMELEC Commissioner Rowena Guanzon na umaabot pa lamang sa mahigit 1,100,000 ang bilang mga naitalang voter applicants mula sa target ng komisyon na 4-na-milyong registrants sa buong bansa.