Malaking populasyon ng mga Katoliko ang hindi naabot ng Simbahan lalu na sa mga ‘slum area’ sa Metro Manila.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Vice-President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, ito ang dahilan ng kaniyang pagtatayo ng mga ‘mission station’ sa diyosesis upang mailapit ang Panginoon sa mga katoliko.
“Ang ‘mission station is an effort’ sa bahagi ng simbahan to be present among the poorest of the poor. So Church presence among the poor iyan ang main objective ng mission stations namin. Hindi na kailangang hintayin na ang mga dukha na sila ang pumasok sa simbahan kundi ang simbahan ang pupunta sa mga dukha. Kahit walang simbahan, kahit walang kapilya,” ayon kay Bishop David sa panayam ng Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, maisasakatuparan ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang lugar kasama ang mga religious partner at mga layko upang maiparamdam sa mananamapalataya ang kalinga ng simbahan sa kabila ng walang istraktura ng parokya sa lugar kundi pagkakaroon ng basic ecclesial community o cluster.
Sinabi ng Obispo na bukod sa pagbabahaginan ng salita ng Panginoon ay dito rin magsisimula ang pagmamalasakitan sa kapwa bilang isang komunidad.
Paliwanag pa ng Obispo, ang diyosesis ay binubuo ng 150 libong mga katoliko na mayroon lamang 26 na mga parokya na hindi makakatugon sa pangangailangan ng mga mananampalataya.
“Sabi ni Pope Francis kapag tumatanda ang isang institusyon may tendency sila na maging inward looking, maging self referential. Na para bang ang daigdig umiikot lang sa ‘yo. You speak a common language na kayo lang ang nagkakaintindinan and then the rest of the world out there is left out. Hindi umuunlad,” paliwanag ni Bishop David.
Iginiit ng Obispo na mahalagang ang simbahan ang lumapit sa mga dukha nang walang mga mananampalataya na maiwan o naisasantabi hindi lang sa pangangailangang espiritwal kundi sa iba pang pangangailangan sa araw-araw.
Bukod sa mga parokya, quasi parish at mga chapels, mayroon na ring 10 mission stations na kinabibilangan ng San Rafael mission station, Senora Delos Remedios, Our Lady of Peace chapel, Salmon chapel, Missionary Sisters of the Precious Blood, Tahanan Puso, Our lady of Sacred Heart ang napasimulan ni Bishop David sa diyosesis ng Caloocan simula nang mailuklok bilang obispo noong 2015 na kahalili ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez. Catmon Missions Station, Tinejeros and Pitong Gatang






