26,433 total views
Dismayado si Cubao Bishop Elias Ayuban Jr. CMF sa mga Senador na tahasang nagpahayag at nangako ng suporta kay Vice President Sara Duterte bago pa man umusad ang isinusulong na impeachment trial laban sa Bise Presidente.
Ito ang bahagi ng pahayag ng Obispo kaugnay sa kontrobersyal na impeachment laban sa pangalawang pangulo ng bansa.
Ayon kay Bishop Ayuban, ang hayagang pagpapahayag ng suporta sa akusado ng mga Senador na dapat na magsilbing hukom bago pa man gawin ang paglilitis ay maituturing na pagkiling ng mga ito taong dapat nilang litisin.
“When senators serving as judges publicly pledge support for the official on trial before hearing the evidence, they are, in effect, acting as defense advocates. In an impartial trial, judges cannot be the counsel for the defense at the same time.” Bahagi ng pahayag ni Bishop Ayuban Jr.
Una ng iginiit ng Obispo na ang pagsasagawa ng Senado ng impeachment trial ay bahagi ng kanilang mandato at obligasyon sa ilalim ng Konstitusyon at hindi isang bagay na maari nilang pagdesisyonan ng taliwas sa nasasaad sa batas.
“To proceed with the trial FORTHWITH is not a matter of choice but a constitutional mandate; an obligation, not an option.” Ayon pa kay Bishop Ayuban.
Matatandaang matapos ang ilang oras na deliberasyon noong Martes ika-10 ng Hunyo, 2025 ay bumoto ang 18 senador pabor sa inihaing mosyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na ibalik ang impeachment complaints ng bise presidente sa Kongreso.
Kabilang sa 18-senador na ito ay sina Cayetano, Ronald “Bato” dela Rosa, Bong Revilla, Imee Marcos, JV Ejercito, Bong Go, Loren Legarda, Robinhood Padilla, Jinggoy Estrada, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Lito Lapid, Cynthia Villar, Mark Villar, Juan Miguel Zubiri, Raffy Tulfo, at si Senate President Francis Escudero na siya ring impeachment presiding officer.
Samantala, tanging limang Senador naman ang hindi sumang-ayon sa nasabing mosyon na sina Sen. Koko Pimentel, Risa Hontiveros, Nancy Binay, Grace Poe, at Sherwin Gatchalian.
Una ng inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso noong Pebrero 5, 2025 ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte na pinaboran ng 215 mambabatas kung saan kabilang sa mga kaso laban sa Bise Presidente ang paglabag sa Konstitusyon, pagtataksil sa tiwala ng publiko, pandarambong, katiwalian sa kaban ng bayan at iba pang mabibigat ng krimen.